Miami coach Spoelstra nagbalik sa Pinas

0
713

HINDI pinalampas ng UST Growling Tigers at Tigresses Team-B ang isang bihirang pagkakataon upang makadaupang-palad ang Miami Heat Fil-Am head coach na si Erik Spoelstra sa NBA FIT Development Camp, at matutunan ang isang mahalagang aral na mapakikinabangan nila sa hardcourt at sa tunay na buhay.

“Respect the game, and the game will respect you,” ani Spoelstra habang ipinakikita niya ang tamang execution ng mga drills sa mga manlalaro. “It’s (basketball) fun and the dynamics of teamwork is very special that it teaches you lessons that you can apply in real life like discipline, hard work, and communication.”

Nakipagsabayan ang mga miyembro ng UST Team-B kina Nico Salva at Kirk Long ng Ateneo de Manila University, Alex Nuyles ng Adamson University, Andretti Stevens ng Mapua Institute of Technology, at iba pang mga baguhang kalahok (40 lalaki at 40 babae) mula sa dalawang pangunahing ligang pangkolehiyo ng bansa, ang UAAP at NCAA, noong ika-11 ng Agosto sa Araneta Coliseum.

Hindi nagpahuli ang mga Tigers B na sina Raymond Inciong, Jeric Sumampong, John Whitfield, Jeoffrey Tadeo at Niko Camaya sa mga aktibidad ng training camp na pinangunahan ni Spoelstra at ng kaniyang assistant coach na si David Fizdale. Ilan dito ay ang advanced hydration Gatorade “sweat tests,” mass defense, mass ball handling at station work sa pagpasa, pagdribol, at pagbuslo ng bola.

Bahagi ang NBA FIT Development Camp ng kauna-unahang NBA FIT Week sa Pilipinas upang itaguyod ang kalusugan at kalakasan ng katawan ng mga atleta. Binansagan ito bilang pinakamalaking NBA FIT Program na ginanap sa Timog-Silangang Asya.

“Halos parehas din naman ito sa training namin sa UST pero ang pinakamahirap ay ang magbuild-up sa depensa,” ani dating Tiger Cub Sumampong, na iniidolo ang NBA two-time Most Valuable Player na si LeBron James ng Miami. “Ang pinakanatutunan ko bukod sa depensa ay kung paano dapat pumusisyon ang big man sa opensa, at siyempre, hardwork.”

LEAVE A REPLY