Tigresses sapul sa Lady Archers

0
301

NATULDUKAN ang tatlong sunod-sunod na pamamayagpag ng UST Tigresses nang mapataob sila ng De La Salle University Lady Archers, 61-66, noong ikawalo ng Agosto sa Filoil Flying V Arena, San Juan. Dahil sa pagkatalong ito, napako sa ikaapat na puwesto ang UST tangan ang 5-4 na kartada.

Nakitaan na ng panghihina ang Tigresses sa umpisa pa lamang ng unang kanto, dulot ng nagliliyab na 7-0 run ng De La Salle, kung saan naiwang walang puntos ang UST sa unang 5:02 minuto ng laro.

Matapos ang paghahabol nila sa buong first half, unang natikman ng Tigresses ang paglamang sa puntos sa ikatlong kanto ng laro, 34-33, sa tulong ni Lora Dela Cruz. Ngunit hindi nagtagal ay binawi rin ito ni Kady Wilson sa unang yugto ng fourth quarter, 41-42.

Kumaripas ang opensa ni Lady Archer Joy Ong sa huling kanto, kung saan nag-ambag siya ng 10 puntos na pinasinayaan ng isang nag-aalab na tres, 42-47.

Hindi sumuko si Ann Leonardo nang magbantang lumaki ang lamang ng De La Salle. Nakumpleto niya ang isang three-point play upang makalapit ng bahagya ang Tigresses, 47-52.

Nagpasiklab naman ng walong puntos si Tigress Juvelyn Andaya sa huling kanto matapos niyang mablangko sa third quarter. Nailapit ni Andaya ang iskor ng UST sa lumolobong lamang ng Lady Archers, 50-57, matapos niyang maibuslo ang isang three-pointer.

Sa kabila ng mga pagpakikitang-gilas nina Leonardo at Andaya, hindi natinag ang Lady Archers na nagtangan ng kalakasan sa poste.

Sinubukan ng Tigresses na ilapit ang iskor, 55-60, na may 48.5 segundong nalalabi sa oras ngunit hindi nagpatinag ang De La Salle nang maibuslo nina Lady Archers Trisha Piatos, Aracelie Abaca, at Ong ang kanilang freethrows.

Maliban sa pangunguna ni Ong na may 14 puntos at walong rebounds, dalawa sa Lady Archers ang nagtala ng double-double performance. Nakaiskor ng 13 puntos at 13 rebounds si Wilson samantalang si Eileen Urieta ay nakapag-ambag ng 11 puntos at 10 rebounds.

Hindi naman naging sapat ang pamamayagpag ni Leonardo ng 16 puntos at tatlong rebounds. “Wala ang mga malalaking manlalaro natin sa laro kaya nakadepende [ang resulta] sa mga maliliit na manlalaro natin at maganda naman ang ipinakita nila,” ani coach Julie Amos. Rey Ian M. Cruz

LEAVE A REPLY