Balitang UST tampok sa radyo

0
1148

Dibuho ni GABRIELLE O. NAVARRO BALITA at kaalaman tampok sa programang panradyo ng mga Tomasino.

Taong 1968 nang ilunsad ng Unibersidad ang “UST Hour,” isang programa sa radyo tungkol sa sari-saring paksang magdudulot ng interes sa mga mag-aaral at iba pang tagapakinig. Ito’y maaaring mapakinggan noon mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na ikapito ng gabi, sa istasyong pambansa na DZRV, Radyo Veritas. Ang dating assistant dean ng Faculty of Arts and Letters na si Piedad Rosales ang siyang namahala sa pagbuo ng konsepto ng mga programa, katulong ang Department of Communication Arts ng Unibersidad. Iba’t ibang tema ang isinasahimpapawid sa programa gaya ng kultura, musika, at mga panayam.

Napakikinggan noon tuwing Lunes ang programang “University Forum” na pinamamahalaan ng Public Affairs Office (Office of Public Affairs ngayon) kung saan tampok ang mga panayam at diskusyon ng mga propesor ng UST at ilang panauhin tungkol sa mga napapanahong paksa noon. Kasunod ng programang ito ang “The Arts” na tungkol naman sa pagpipinta, musika, drama, at mga aklat.

Sari-saring komentaryo at live performances naman ang napakikinggan tuwing Martes sa programang “Invitation to Music” na pinamahalaan ng Conservatory of Music.

Sa pamumuno ng propesor na si Norma Tiangco kasama ang Departamento ng Filipino ng College of Education at seksiyong Filipiniana ng Miguel de Benavides Library, isinaeere ang programang “Sariling Atin” tuwing Miyerkules na nagtatampok ng balagtasan, pagbabasa ng tula, drama at musika gamit ang wikang Filipino.

Sumasahimpapawid naman tuwing Huwebes ang programang “Kilusang Panlipunan” na naglalayong bigyang-solusyon ang mga sosyal at sosyolohikal na suliranin ng mga tagapakinig ng programa. Pinamahalaan ito ni Ma. Luisa Concepcion, sa kooperasyon ng Department of Sociology at Sociological Society. Kasunod nito ang programang “Medicine Today” ng Faculty of Medicine and Surgery. Ito ay diskusyon ng mga doktor at ilang panauhin tungkol sa medisina at siyensiya. Bagaman nasa wikang Ingles ang programa, karaniwang terminolohiya naman ang ginagamit ng mga tagapagsalita upang maintindihan ng mga tagapakinig.

Pagsapit ng Biyernes napakikinggan ang programang “Going Places” na nagbibigay kaalaman tungkol sa lipunan, kasaysayan, kultura, ekonomiya, at politika ng iba’t ibang bansa. Kasunod ng palabas na ito ang programang “The Counselor,” isang pagtatampok sa mga guidance counselor ng Unibersidad. Sila ay nagbibigay ng mga payo at mungkahi sa mga mag-aaral maging pang-akademiya o pang-ispiritwal man.

Sa pagtatapos ng linggo, inihahandog ng UST Hour ang programang “Abstract,” kung saan mayroong mga balita tungkol sa mga paksang kawili-wili, gaya ng pop culture. Sila rin ay nagpapatugtog ng musika sa naturang palabas tuwing Sabado.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paggamit ng Unibersidad ng radyo bilang isang medium upang makapaghatid ng impormasyon sa mga mag-aral. Ang UST Tiger Radio, ang Internet radio station ng Unibersidad, ay nagsimula noong 2009 sa pangangasiwa ng Tomasian Cable Television, kasama ang Amateur Radio Club (ARC).

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasinong arkitekto ang nasa likod ng ilang mga tanyag na gusali sa Kamaynilaan?

Nagtapos ng kursong Architecture noong 1984, si Edward Co Tan, ang may-ari at tagapamahala ng Edward Co Tan and Architects (ECT+Architects).

Itinatag noong 1990’s, ang ECT+Architects ay bantog sa larangan ng arkitektura dahil sa kanilang konsepto ng high-rise, midrise, at residential structures. Bukod dito, ang ECT+Architects ay kilala rin sa sining ng interior design.

Ang ECT+Architects ang nasa likod ng paggawa ng mga gusaling tulad ng Sanctuarium, na matatagpuan sa Araneta Avenue, Quezon City; Greenhills Tower, na makikita naman sa Edsa-Greenhills, Mandaluyong City; at Antel Spa and Serenity Tower, na kapwa nasa Makati City.

Dahil sa mga world-class na istrukturang naitayo ng kompanya, napabilang ito sa 2005 Top 10 Architectural Firms ng bansa.

Bilang pagkilala kay Tan, siya ay pinarangalan bilang isa sa mga Outstanding Thomasian Alumni Business Leaders noong Oktubre 2010 sa Thomasian Global Trade Expo na ginanap sa Pasay City.

Tomasalitaan

Lastog (png)—kasinungalingan

Halimbawa: Dahil puro lastog na lamang ang namumutawi sa bibig ni Adonis, minarapat ng guro na dalhin siya sa opisina ng dekano.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo 41 Blg. 17, ika-23 ng Setyembre, 1969

(2005) Awards For Top Ten Architectural Firms. Retireved June 25, 2011 from http://www.bciasia.com/news/news_view.cfm?news_id=336006

http://www.ect-architects.com

LEAVE A REPLY