Commerce Dance Troupe, humataw sa Dancescene 2011

0
739

SA UNANG pagkakataon, nagwagi ang Commerce Dance Troupe (CDT) sa group division ng Danscene 2011: Musika Dansa sa Medicine Auditorium noong Agosto 16.

Halaw sa komedyang “Addams Family,” humataw ang CDT suot ang kanilang itim at mala-aswang na costumes na sinamahan pa ng komedya at makapigil-hiningang stunts na masuwerteng nagluklok sa kanila sa unang puwesto.

“Isinaalang-alang namin, bilang parang isang pamilya, ang tema ng kompetisyon na “Unified Melody in Motion,” ani Marica Catrina Unarce, pangulo ng CDT.

Ayon kay Evelyn Songco, Assistant to the Rector for Student Affairs, ang naturang pagtatanghal ay nagpapamalas ng galing sa pagsasayaw ng mga Tomasino na isa ring paraan upang makilala ang mga mananayaw ng bawat kolehiyo.

Samantala, nanalo sa pair o trio category ang RUARCS na kinabibilangan nina Neal Chug ng Faculty of Engineering, Mhicel Unas ng College of Science, at Marvin Yian ng College of Education sa kanilang tema na nagpamalas ng mga kalungkutang itinatago ng mga payaso.

Namayagpag naman sa solo category si Maria Ena Santos ng Education sa kaniyang contemporary dance interpretation ng “On my own.”

“Napili namin ang temang musical para sa patimpalak upang maipakita ng iba’t ibang dance troupe ang pagka-teatro ng mga sayaw,” ani Adams Bernabe, pangulo ng Salinggawi Dance Troupe (SDT), ang opisyal na dance troupe ng UST.

Pumirmi naman sa ikalawang puwesto sina Mary Catherine Supnet ng College of Architecture (solo), Angelo Diaz, Katrina Garcia at Bien Bejado ng Education (pair o trio), at Arki Dance Troupe (group).

Ang Musika Dansa ang taunang patimpalak na inoorganisa ng SDT at ng Office for Student Affairs.

“Ito yung ginagawa naming way para mas lalong makilala ang mga college-based dance troupes at matulungan namin sila na ma-expose pa lalo ‘yung talent nila [sa pagsayaw],” ani Bernabe.

LEAVE A REPLY