Male Shuttlers, nabaon sa UAAP standings

0
367

HINDI na madedepensahan ng Male Shuttlers ang kanilang korona matapos silang patalsikin ng Adamson University, 2-3, mula sa Final Four ng UAAP badminton tournament sa Rizal Memorial Sports Complex noong Agosto 21.

Sa pagbagsak ng UST sa ikalimang puwesto tangan ang 2-4 kartada, di na nito maabutan ang mga nangungunang koponan na National University (6-0), De La Salle University (5-1), Far Eastern University (5-1), at Ateneo De Manila University (4-2).

Nananatili naman ang Adamson Shuttlers sa huling puwesto kasama ang University of the East na may parehong 1-5 na rekord.

Ayon kay coach Noli Cajefe, ito ang unang beses sa loob ng apat na taon na nawala ang Male Shuttlers sa Final Four. Bukod dito, ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nagapi ang UST ng Adamson sa loob ng 12 taong ng pagiging head coach niya.

“Nakalulungkot ang mga nangyari,” ani Cajefe. “Kulang sa puso ang mga manlalaro ko. Ngunit ayokong sisihin sa pagkawala ni Ariel Magnaye, ang MVP noong nakaraang taon, ang pagkabigo namin ngayon.”

Nakuha agad ng Adamson ang kinakailangan tatlong panalo sa unang dalawang laban para sa singles at unang laban ng doubles. Natalo si Alcaed Sabanal ni Lawrence Palomer ng Adamson, 18-21, 21-14, 20-22, sa unang laban para sa singles. Sa huling bahagi ng laro, nakagawa ng apat na sunod-sunod na puntos si Sabanal upang basagin ang ikaanim na deadlock sa 11-11 ng pangatlong set, 16-11.

Ngunit unti-unting nakabawi si Palomer matapos makapagtala ng 6-0 ratsada, 20-22, kabilang dito ang dalawang importanteng puntos para matuldukan ang unang panalo ng Adamson.

Sapul din ang nangungunang manlalaro ng Male Shuttlers na si RJ Ormilla sa kamay ni Kevin Alcantara, 16-21, 21-12, at 10-21.

Nagawang rumatsada ni Alcantara sa huling set dahil sa magkakasunod na outside errors ni Ormilla, 1-7. Maliban pa rito, nagpakawala ng 7-0 run si Alcantara sa huling bahagi ng set upang tuluyang mapako ang kanilang pangalawang panalo sa team tie-up.  Chenny V. Ramos

LEAVE A REPLY