Salinggawi, handa na para sa UAAP; hindi magpapagapi

0
468

MANIWALA sa kakayahan ng Salinggawi.

Isang buwan bago ang taunang UAAP Cheerdance Competition, isang palabang Salinggawi Dance Troupe (SDT) ang handa nang maibulsa ang mailap na kampeonato.

Binubuo ng 24 seniors at 34 na baguhan at apat na artists, walang nang sinasayang na oras ang SDT sa araw-araw na pag-eensayo at pagpapabuti ng kalidad ng bawat lifts at stunts na kapuwa malaking aspeto sa kompetisyon.

“Yearly namang nag-iisip kami ng mga bagong atake upang mas mapaganda pa ang aming routine,” ani Adams Bernabe, pangulo ng SDT.

Sa kabila ng mas marami ang baguhan sa grupo, hindi ito nakikitang balakid ni Bernabe sapagkat isa itong normal na sitwasyon taun-taon.

Bukod sa punong koreograpo na si Ryan Silva, tumutulong din ang mga alumni ng SDT upang patibayin pa ang routine na kanilang binubuo.

Tinitiyak din ni Bernabe na matibay ang kanilang grupo ngayong taon dahil sa wala silang natatamong mabibigat na injuries tulad ng sprain.

“Karaniwang injuries lang naman ang nakukuha namin, hindi katulad noong nakaraang taon na may isa kaming flyer na nabalian ng ankle bago ang kompetisyon,” aniya.

Bukod sa pag-eensayo binibigyang-pansin din ng grupo ang pag-aasikaso ng kanilang taunang production na may pinamamagatang Danscene 2011: Musika Dansa na nag- sisilbing isa pa sa kanilang mga training ground bilang isang dance troupe.

“Ineensayo rin namin ‘dun ang paghawak ng production at performing arts, yung behind the scenes ng isang production gingawa rin namin ‘yung training ground,” ani Bernabe.

Tumanggi naman siyang ibahagi ang kanilang tema sa taong ito para sa kompetisyon sapagkat gusto ng grupo maging surpresa ito sa buong UST.

“Gugulatin na lang namin sila at para naman ito sa Thomasian community,” ani Bernabe.

Mga batikos

Sa apat na taong pagiging mailap ng kampeonato, wala namang nakikitang “missing link” si Bernabe sa parte ng Salinggawi, bagkus, tumataas lamang ang intensity ng bawat grupong kasali sa kompetisyon.

“Lahat talaga ng team tinaasan ang intensity ng kanilang routine,” ani Bernabe. “Wala namang missing link pero, Salinggawi kasi yung nag-set ng standard sa cheerdance. Naisip ko na, naiisip ng ibang university kunin yung mga routines from previous years at previous competition.”

Sa kabila ng taunang paghahanda at pagpapaganda ng kanilang routine, ang hindi pag-uwi ng SDT ng kampeonato ay umaani ng batikos na kumakalat sa mga social networking sites at forums ng tao mapa-Tomasino man o hindi.

Ang ganitong kaganapan ay piniling hindi na pansinin ng SDT sapagkat ito lamang ay makaapekto sa kanilang performance.

“Sa mga taong naglulugmok sa Salinggawi, ginagawa namin silang motivation at ‘yung mga alam naming ‘di makatutulong sa grupo ‘di na namin pinapansin,” ani Bernabe.

Isang nakikitang balakid ni Bernabe ang University of the Philippines at Far Eastern University na nangunang koponan noong nakaraang taon, ngunit sa kabila nito hindi rin niya pinapawalang-bahala ang ibang koponan.

“Lahat talaga ng team nag-level up,” ani Bernabe. “Sana kung ano ang pinapakita nilang (Thomasians) suporta ganoon pa rin.”

LEAVE A REPLY