Tigresses, nilapa ang Lady Eagles

0
562

NAGISING ang UST Tigresses mula sa malamig na simula upang gapiin ang Ateneo de Manila University, 56-46, at maibuslo ang kanilang unang panalo sa second round ng women’s basketball sa Ateneo Blue Eagle Gym noong Agosto 24.

Nagtala si Juvelyn Andaya ng career-high na 29 na puntos at tatlong rebounds laban sa Ateneo, habang tumirada naman ang bench player na si Kim Reyes ng 11 na puntos at limang rebounds. Nanatili sa unang puwesto ang Tigresses tangan ang 8-2 kartada.

Matapos mag-reyna ng Lady Eagles sa unang tatlong bahagi ng laban, nagpasabog ang Tigresses ng 9-2 na ratsada sa unang dalawang minuto ng huling kanto sa pangunguna ni Andaya na nagpakawala ng dalawang magkakasunod na puntos at isang mahalagang defensive stop upang makuha muli ang lamang para sa UST, 47-41.

Nagpatuloy pa ang atake ng Tigresses matapos nilang gamitin ang kanilang “trap-defense” sa huling limang minuto ng laban upang puwersahin ang Lady Eagles na makagawa ng 28 na turnovers laban sa 19 ng UST.

Nalimitahan ang Ateneo sa pitong puntos kumpara sa 20 puntos ng Tigresses sa huling yugto ng laban.

Nakapagbaon naman ng isang midrange jumper si Franchesca Tantoco ng Ateneo upang ibaba ang lamang sa dalawang possession, 47-43, apat na minuto ang nalalabi.

Ngunit tuluyan na binasag ng UST ang pag-asa ng Ateneo na makabangon matapos pumukol ng back-to-back na tira sina Reyes at Andaya na nagpaangat sa Tigresses, 52-43, 1:38 minuto na lamang ang nalalabi sa laban.

“Ang depensa namin ang nagpanalo sa amin sa laban,” ani coach Chris Cantonjos. “Bumalik ang teamwork sa loob ng court noong second half.”

Ayon kay Cantonjos, nahirapan ang cagebelles na makabangon mula sa dalawang magkakasunod na pagkatalo mula sa kamay ng Adamson University at De La Salle University. Maliban pa rito, naging malaking kawalan ang star point guard na si Rina Laud matapos nitong magtamo nang sprain injury sa tuhod noong unang round ng elimination.

LEAVE A REPLY