‘Ultimo,’ nakasungkit ng puwesto sa Frixbee

0
508

ISANG bagong koponan ng mga Tomasinong atleta ang namayagpag sa kauna-unahang Frixbee Competition na ginanap sa UP Sunken Garden noong Hulyo 30.

Nasungkit ng “Ultimo” ang ikatlong puwesto matapos silang paluhurin ng Ateneo de Manila University sa semifinal round sa iskor na 9-11.

Naging malamya ang simula para sa Ultimo sa harap na agresibong opensa ng Ateneo na maagang lumamang, 0-3.Nabuhayan ang Ultimo nang magtala si Riel Margate ng magkakasunod na puntos, 7-9. Nagawang maitabla ng Ultimo ang iskor sa kabila ng mahigpit na depensa ng Ateneo nang makapuntos si Jared Chua sa huling sampung minuto, 9-9. Ngunit agad namang bumawi si Anj Nguyen para sa Ateneo, 9-10, na sinundan ng panghulong tira mula kay Jico Oracion ng Ateneo.

“Kaya sana naming manalo kaya lang humalo na rin sa lakas ng ulan ang pagod,” ani Jeff Loveranes, kapitan ng Ultimo.

Pinadapa ng Ultimo ang De La Salle University, 7-5, sa kanilang laban nang araw ding iyon. Sa kabila ng pagiging agresibo ng kalaban at maputik na palaruan, hindi pinanghinaan ng loob ang Ultimo na naitabla ang laban sa iskor na 5-5. Tuluyang nalibing ang La Salle matapos makapuntos si Jhen Francisco, 7-5.

Bago pa man nila makaharap ang Ateneo, tinalo ng Ultimo ang De La Salle-Canlubang (DLS-C) sa quarter-finals, 11-3.

Maagang pinataob ng UST ang DLS-C sa pangunguna ni Ysa Chua, 6-0. Sa huling 12 minuto,tinapos na ng koponan ang laban at pinanatili ang malakas na depensa at malaking agwat, 11-3.

Naghari rin ang mga ito sa unang araw ng paligsahan noong Hulyo 23. Nagtala ang Ultimo ng apat na panalo laban sa University of Asia and the Pacific (11-2), College of St. Benilde (11-3), Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos (7-5) at Polytechnic University of the Philippines (10-7). Ngunit natalo sila laban sa UP Diliman (1-11), na itinanghal na kampeon.

LEAVE A REPLY