Woodpushers, uusad sa Shell Chess finals

0
727

NAGPAKITANG-GILAS si UST Woodpusher Patrick Florendo matapos pumangalawa sa juniors-boys’ division ng 19th Shell National Youth Active Chess Championship sa SM Batangas noong Agosto 13 at 14.

Pasok ang 19-taong-gulang Woodpusher sa grand finals na gaganapin sa Oktubre 8 at 9 sa SM Megamall. Makahaharap niya ang iba pang mga nanguna sa limang yugto ng kompetisyon mula sa buong bansa.

Pinatumba ni Florendo sina Jerome Villanueva ng Adamson University, Paul Evangelista at Jose Castro ng Far Eastern University (FEU), Michael Penero ng University of Perpetual Help-Lipa, at Eric Malayba ng De La Salle College-Lipa.

Bagaman matagumpay sa kaniyang pitong laban sa Southern Luzon leg, naging mailap ang kampeonato para kay Florendo matapos makalamang ni Kevin Mirano ng FEU, 40.5-43, sa tie-break scores na nalikom laban sa mga nakaharap na manlalaro.

Ayon kay coach Ronald Dableo, naging mahirap ang laban para sa kaniyang mga manlalaro dala ng maikling oras ng bawat pagtutuos.

“Mabigat talaga ang laban. Unang-una kalahating oras lang ang bawat duwelo at hindi sila (Woodpushers) masyadong sanay sa ganitong uri ng phasing,” aniya.

Samantala, nalaglag sa ikawalong puwesto sa parehong dibisyon si Timothy So Kua ng UST, 6-1, laban kay Mirano.

Hindi naman nagawang makapasok sa Top 10 ng juniors-boys’ division ni Steven Dacanay nang yumuko siya kay Ali Guya ng Adamson, 5.5 puntos, at masadlak sa ika-13 na puwesto. Nahulog naman ang iba pang Woodpushers na sina Normel De Jesus (ika-25), Christian Flores (ika-27) at Neil Javier (ika-33).

Ang torneo ay nilahukan ng iba pang UAAP schools tulad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), Ateneo de Manila University at National University.

Samantala, nabigong makapasok sa Top 5 ang Female Woodpushers sa juniors-girls’ division matapos pumalya ang kanilang huling bala na si Loraine Salinas sa sixth round, mula sa pagkakadikdik ni Chazer Mendoza ng UP, at lumubog sa ikapitong puwesto na may limang panalo (29 puntos sa tie-break).

Pumang-anim naman si Christine Laz bitbit ang limang panalo at 30 tie-break score ngunit nabigo niyang maipanalo ang kaniyang laro laban kay Gladys Romero ng FEU.

Lumapag naman si Michaela Concio sa ikawalong puwesto matapos ang kaniyang pagkatalo mula kay Marlyn Dela Cruz ng Holy Angel University, 5-1.

Lumagapak naman sa ika-13 at ika-15 na puwesto sina Irene Samonte at Jamie Manzano na may 4.5 at 4 puntos.

“Ang mahalaga naman sa akin hindi ‘yong resulta,” ani Dableo. “Ang mas magandang bagay para sa akin ay kung paano nila tinatanggap ang mga nagiging resulta.”

Sa kabila ng hindi gaanong masaganang resulta ng Shell competition, umariba naman ang Woodpushers sa kauna-unahang De La Salle Health Sciences Institute Rapid Chess Team Festival 2011 na ginanap sa Animo Center, De La Salle-Dasmariñas noong Hulyo 24.

Pumangalawa ang UST Team-A hawak ang 20 puntos sa pitong laban, na kinabibilangan ni Grand Master-elect Dableo sa Board 1 (6.5 puntos), Gerald Ferriol sa Board 2 (7 puntos), Florendo sa Board 3 (4 puntos), at Dacanay sa Board 4 (3 puntos).

Nakaungos lamang ng isang puntos ang kampeong Incredibears II na kinabibilangan ng ilang prominente sa mundo ng chess, fide master Deniel Causo, journeyman Ryan Dungca, Jerry Areque at Sherwin Tiu hawak ang 21 puntos.

Hindi naman nagpahuli ang UST Team-B sa panguguna nila Joey Florendo, Samson Lim, Jude Fronda, at So Kua na nakakuha ng kabuuang 18 puntos.

LEAVE A REPLY