Maagang paghahanda para sa UST Tigers

0
426

NAWALA man ang King Tiger, patuloy na magiging palaban ang UST Growling Tigers.

Ito ang siniguro ni coach Pido Jarencio matapos lumipat sa Unibersidad sina Mario Bonleon at Joel Tolentino, na kapuwa susubuking punan ang kakulangang dinulot ng paglisan ng dating point guard at team captain na si Jeric Fortuna.

Bagaman bago sa sistema ng Tigers, nauna nang sumabak bilang University of the East (UE) Red Warrior sa Filoil Flying V Hanes Premier Cup nitong nakaraang summer si Bonleon habang dati namang naglaro para sa De La Salle University at College of Saint Benilde si Tolentino.

Bukod sa pagpuno sa mabigat na tungkuling iniwan ni Fortuna, magsisilbing paghahanda rin sa kinabukasan ng Tigers ang paglipat ng dalawang manlalaro.

“Tataas ang level ng team natin, mawala man sina Jeric [Teng] at Clark [Bautista], competitive pa rin tayo,” ani Jarencio.

Naging biglaan man ang pagdating nina Bonleon at Tolentino, na kapuwa dating manlalaro ng National Youth Team, nilinaw ni Jarencio na walang pumilit o nag-udyok sa kanila na lumipat sa UST.

“Hindi tayo ang lumapit sa kanila. Sila ang lumapit sa atin,” aniya.

Ipinaliwanag niya na maaari na silang maglaro sa susunod na taon dahil kasalukuyan na nilang pinagdadaanan ang kanilang residency.

“Next year, ready to play na sila kaya lang ngayon, pinag-focus ko na muna sila sa pag-aaral,” ani Jarencio.

Kasalukuyang nasa Long Beach, California si Bonleon habang kumukuha ng kursong Biology sa College of Science si Tolentino.

Unang sumabak para sa La Salle si Tolentino noong 2009 hanggang 2010 bago siya nag-average ng 9.5 points, 2.2 rebounds at 3.1 assists sa isang taon niya sa Saint Benilde noong NCAA Season 88. Naglaro naman si Bonleon para sa Energen Pilipinas National Team na nagtapos sa ika-anim na puwesto sa FIBA Asia Under-18 Championship noong 2012 sa Mongolia bago napabilang sa pangkat ng UE sa Filoil.

LEAVE A REPLY