Tatlong Lady Judokas, tagumpay sa Macau

0
313

TATLONG UST Lady Judokas ang nagwagi sa Macau International Junior and Youth Judo Championship na ginanap sa Kapsiac Multisport Pavilion sa Macau noong Hulyo 20 at 21.

Nasungkit ng rookie na si Sarah Enriquez ang ikalawang gantimpala sa middleweight division (-70 kg) matapos matalo kay He Jia Xin ng China. Sina Ednorly San Andres, na lumaban sa half-heavyweight division (-78 kg), at Lorelei Tolentino, na lumahok naman sa lightweight division (-57 kg), ay kapuwa nag-uwi ng mga tansong medalya.

“Magandang training ground ang off-season game na sinalihan namin [sa Macau] para sa darating na laban namin sa UAAP,” ani Lady Judokas head coach Gerard Arce. “Nagbigay ito ng confidence sa players natin, lalo na sa rookies, para magkaroon sila ng kumpiyansa sa sarili kapag naglaro na sila sa [mas] mabibigat na kumpetisyon.”

Lumahok din sa paligsahan sina team captain Jyniene Honorio (half-middleweight), Kimberly Pantoja (extra lightweight) at UAAP Rookie of the Year Sueko Kimjho (half-lightweight), ngunit hindi pinalad sa kani-kanilang laban. “Talagang mahirap makakuha ng panalo sa kompetisyon na ‘yun and considering na first-timers lang kami at Southeast Asian Games players ng mga bigating bansa, tulad ng Malaysia, ang mga ipinadadala roon,” ani Arce.

Dagdag pa niya, kailangan nilang palakasin pa ang mga manlalaro at buuing muli ang koponan sapagkat karamihan sa mga Lady Judokas ay mga baguhan. Hedrix Ar-Ar C. Caballe

LEAVE A REPLY