Dalawang Growling Tigresses suspendido

0
296

HINDI makalalaro ang starting point guard ng UST Growling Tigresses na si Kim Reyes pati si Bettina Peñaflor sa kanilang laban bukas kontra defending champion na De La Salle University Lady Archers sa UAAP women’s basketball tournament.

Pinatawan sila ng one-game suspension ng UAAP Board dahil sa mga technical foul na itinawag sa kanila noong Agosto 16.

Sa kanilang laro kontra National University kung saan nanaig ang Lady Bulldogs, 73-68, parehong napatalsik sa laro sina Reyes at Peñaflor dahil sa technical fouls.

Kinumpirma mismo ni head coach Chris Cantonjos na hindi makalalaro sina Reyes at Peñaflor bukas sa Mall of Asia Arena alinsunod sa liham na ipinadala ng UAAP sa koponan kahapon.

Napatalsik sa laro si Reyes sa ika-6:36 ng ikatlong yugto matapos siyang tawagan ng unsportsmanlike foul dahil ‘di umano ay may sinuntok itong manlalaro ng Lady Bulldogs.

Tanggal din si Peñaflor dahil umano sa paniniko sa huling 18.6 segundo ng kaparehong yugto.

Nakaligtas naman sa suspensiyon si Cantonjos sa kabila ng pagkakatanggal din niya sa nasabing laro dahil sa magkasunod na technical fouls.

Samantala, hindi rin makalalaro si Love Nartates matapos ang protestang inihain ng NU sa di umano’y pananampal nito sa dalawang manlalaro ng Lady Bulldogs sa pagtatapos ng kanilang laban.

Dismayado si Cantonjos sa naging desisyon ng UAAP Board dahil hindi man lang raw nito hiningi ang panig ng UST.

“Hindi ko nga alam kung paano nila na-decide ‘yung protest nang ‘di nila kinukuha yung side natin,” ani Cantonjos sa Varsitarian. “I will clear this matter tomorrow sa meeting namin with Commissioner (Andy Jao) kasi napaka-one sided.” Karl Cedrick G. Basco

LEAVE A REPLY