UST Female Shuttlers kinapos kontra La Salle

0
280

23 Agosto 2014, 9:17 p.m. – ISANG masakit na pagkatalo muli ang nalasap ng UST Female Shuttlers matapos silang paluhurin ng De La Salle University, 3-2, sa UAAP season 77 badminton tournament sa Rizal Memorial Stadium, Sabado.

Maganda ang naging simula ng UST nang patumbahin ni Patricia Barredo si Aires Montilla ng La Salle, 21-12, 23-21.

Ngunit nagkaproblema ang UST sa sumunod na tatlong laban dahilan upang bumagsak ang koponan sa 3-3 na kartada.
Bumawi agad ang La Salle sa likod ng national team mainstay na si Alyssa Leonardo na tinalo si Iris Macalino ng UST sa ikalawang singles match, 21-19, 21-19.

Lamang si Macalino sa ikalawang set, 19-18, bago nagpakawala ng matutulis na atake si Leonardo para ibulsa ang panalo, 21-19.

Nagpatuloy ang paghihirap ng UST sa unang doubles match matapos talunin nina Kristelle Salatan at Montilla sina Steffi Aquino at Patricia Barredo ng Female Shuttlers, 21-17, 21-16.

Naging bentahe ng La Salle ang apat na sunod na pagkakamali ang UST para mabasag ang isang 17-17 deadlock at ibigay sa Lady Archers ang unang set, 21-17.

Mas naging agresibo pa ang tambalang Salatan-Montilla sa kanilang mga bayo sa ikalawang set na hindi napigilan ng Female Shuttlers, 21-16.

Hindi rin nagtagumpay sina Victoria Vizmonte at Macalino kina Monica Rivera at Leonardo sa ikalawang doubles match, 16-21, 19-21, para tuluyang selyuhan ng La Salle ang panalo.

Bagaman talo na ang UST, nagawa pa ring maisalba ni Aquino ang ikatlong singles match sa pamamagitan ng pagungos kay Danica San Ignacio, 25-23, 5-21, 21-17.

Sa kabila ng pagkatalo, masaya si Female Shuttlers head coach Noli Cajefe sa pakikipagsabayan ng kanyang manlalaro sa mga kalaban na karamihan ay mga miyembro ng national team.

“There is nothing to lose kasi puro national team [members ang kalaban]. Parang inter-barangay ang nilaban sa PBA. Pero pumalag kami,” aniya.

Kailangan talunin ng UST ang University of the East bukas, upang palakihin ang tiyansa nilang makapasok sa final four. Delfin Ray M. Dioquino

LEAVE A REPLY