UST Junior Tiger Spikers talo kontra NU

0
272

30 Agosto 2014, 9:46 p.m. – KINAPOS ang UST Junior Tiger Spikers sa
ikaapat na set at yumukod kontra sa National University, 23-25, 25-21, 22-25,
19-25, sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng UAAP season 77 boys’ volleyball
tournament sa Adamson Gym, Sabado.

Sunud-sunod na errors ang dinanas ng
UST dahilan upang maiwanan sa ikaapat na set, 7-14.

Ngunit nabuhayan ang Junior Tiger
Spikers at nagawang maitabla ang laban, 14-all, matapos ang isang 7-0 run sa
likod ni Teo de Guzman.

Subalit, muling pinalawig ng NU ang
kanilang kalamangan gamit ang kanilang depensa matapos ang block ni Mac
Bandola, 22-17.

Isa pang block ni Patrick Roxas ang
tuluyang tumapos sa laban, 25-19.

Bumagsak sa 5-4 na kartada ang UST.

“Na-intimidate na sila noong
naunahan ng dalawang set. Lagi ko naman ine-emphasize na hangga’t hindi
nakakatatlo ‘yung kalaban, hindi pa tapos,” ani head coach Clarence
Esteban. “Kulang pa sa maturity.”

Nanguna para sa UST si Miguel
Competente na nagtala ng 14 puntos habang nag-ambag naman ng 11 si Lorenz
Señoron.

Kumolekta naman ng 13 puntos si Ryan
Millares para sa NU.

Naging problema para sa Junior Tiger
Spikers ang mabagal na simula nila sa ikatlong set, 5-11.

Nagawa nilang dumikit matapos ang mga
atake ni Señoron, 15-17, ngunit kinapos pa rin sila sa dulo, 22-25.

Nakuha ng UST ang ikalawang yugto
matapos kumalas sa 21-all na pagkakatabla gamit ang tatlong cross-court hits
nina Señoron at Competente, 25-21.

Susunod
na makakaharap ng UST ang De La Salle-Zobel sa Sabado, Setyembre 6,
sa Adamson Gym. Karl Cedrick G. Basco

LEAVE A REPLY