UST wagi sa beach volleyball

0
135

30 Agosto 2014, 9:57 p.m. – TIG-ISANG panalo na lang ang kailangan ng UST Tiger Spikers at Lady
Spikers para makuha ang thrice-to-beat advantage matapos silang manalo sa pagpapatuloy
ng UAAP Season 77 beach volleyball tournament sa University of the
East-Caloocan, Sabado.

Patuloy ang pananalasa ng Tiger Spikers
at Lady Spikers sa torneo tangan ang malinis na 6-0 na kartada.

Hindi umubra ang opensiba ng Far
Eastern University laban sa Tiger Spikers, 21-18, 21-12.

Dikit ang naging laban sa unang set
matapos magsagutan ng atake si Tiger Spiker Kris Roy Guzman at Albert Marmento
ng FEU bago nanaig ang UST, 21-18.

Sa ikalawang set, umarangkada ang Tiger
Spikers at nagtala ng isang 6-0 run para iwanan ang Tamaraws, 9-3. 

Hindi nagpaawat ang UST at nagpakawala
pa ng isang 5-0 run sa likod ni Mark Alfafara para tuluyang ibaon ang FEU,
19-11.

Isang matalim sa service ace ni
Alfafara ang tuluyang tumapos sa laban, 21-12.

Tulad ng Tiger Spikers, isang
kahanga-hangang 21-15, 21-13 na panalo ang itinala ng Lady Spikers laban sa
tambalang Jaja Santiago at Fatima General ng National University.

Ito ang ika-anim na sunod na panalo ng
rookies na sina Rica Rivera at Cherry Rondina na nanatiling malinis ang
kampanya sa UAAP.

Maagang lumamang sa ikalawang set ang
tambalang Rivera at Rondina dahil sa kanilang magkabilaang mga atake, 7-3.

Hindi rin napigilan ng NU ang mga drop
shots at down-the-line hits ng UST na lalong nagpalaki sa abante ng Lady
Spikers, 20-12.

Isang service error ni Santiago ang
tuluyang nagpanalo sa UST, 21-13.

Bagaman nanalo, ikinabahala ni head
coach Emil Lontoc ang naitalang 10 errors ng kaniyang bigating rookies ngunit,
aniya, kaya pa itong maagapan.

Kampante pa rin si Lontoc na
magtatagumpay ang parehong koponan na masungkit ang thrice-to-beat advantage
para sa finals.

“Posotibo ang pananaw ko. Pasok
tayo sa finals, ‘wag lang sana bumaba ang lebel ng laro nila at maging mas
competent pa sila,” ani Lontoc.

Parehong finals rematch ang susunod na
kakaharapin ng Tiger Spikers at Lady Spikers sa huling laban nila sa
elimination round.

Makakabangga ang Lady Spikers ang Adamson University habang NU naman ang
makakalaban ng Tiger Spikers bukas, Agosto 31, sa University of the
East-Caloocan. Angelica P. Abello

LEAVE A REPLY