Tigresses wagi kontra TIP; pasok sa V-League quarterfinals

0
510

2 Agosto, 2015, 10:54p.m. – SINIGURO ng UST Golden Tigresses ang kanilang puwesto sa
quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference matapos
maungusan ang Technological Institute of the Philippines Lady Engineers, 25-16,
25-19, 24-26, 25-14, sa San Juan Arena, Linggo.

Nagtala ang UST ng 49
attack points laban sa 32 ng Lady Engineers upang mabuslo ang kanilang ikatlong
sunod na panalo sa record na 3-1.

Pinangunahan ni
reigning UAAP Rookie of the Year EJ Laure ang Tigresses sa pamamagitan ng 18
puntos, 16 mula sa attack points.  Nag-ambag naman si team captain Pam
Lastimosa ng 14 puntos, lima rito mula sa service aces.

Nagkaroon ng
pagkakataon ang UST upang tapusin ang laban sa tatlong sets ngunit naging
palaban ang TIP at naidikit ang laban sa 24-all. Sa kasamaang-palad, nakuha ng
Lady Engineers ang ikatlong set matapos ang magkakasunod na errors dulot ng
nose injury ni Tigress Carmela Tunay.

Agad namang nabawi ng
Tigresses ang panalo sa ikaapat na set nang nagpakawala sila ng 9-3 run sa
umpisa pa lamang sa tulong nina Laure at Ria Meneses.

“Bawal na tayong
matalo. Ang importante dito, manalo tayo regardless kung fifth set, fourth, o
straight,” ani UST Tigresses head coach Emilio Reyes.

Naging matimbang ang
net defense ng Tigresses matapos nilang magtala ng 11 block points laban sa
tatlo ng TIP.

Pinangunahan naman ni
Hezzymei Acuna ang Lady Engineers sa pamamagitan ng 13 puntos.

Tatangkaing ibulsa ng Golden Tigresses ang
kanilang ikaapat na sunod na panalo kontra San Sebastian Lady Stags sa ika-9 ng
Agosto, 12:45 ng hapon sa parehong lugar. Randell Angelo B. Ritumalta

 

LEAVE A REPLY