UST, gutom sa kampeonato

0
763

BEACH VOLLEYBALL

Tiger Spikers
Nakaraang Season: Ikalawang pwesto
Ngayong taon: Kampeon

Tiwala sa sarili at mas pinatibay na depensa at opensa ang magdadala sa koponan ng Tiger Spikers tungo sa ginto ngayong Season 79.

Matapos ang tatlong magkakasunod na silver medal finish, sisikapin ni kapitan Kris Roy Guzman at ni Anthony Arbasto Jr. na makamit na ang inaasam na gintong medalya.

Ani Guzman, dinagdagan ni bagong head coach John Paul Doloiras ang kanilang endurance training lalo na’t sa darating na season, mas maraming laro ang kailangan nilang itawid sa loob lamang ng isang araw.

“Wala namang problema sa pagbago ng coach kasi ipinagpatuloy lang ni coach Doloiras ang programa ni coach Emil Lontoc,” ani Guzman.

Lady Spikers
Nakaraang season: Ikalimang puwesto
Ngayong taon: Finals

Kahit na nakaglag sa ikalimang puwesto ang Lady Spikers noong nakaraang taon, hindi puwedeng maliitin ang matibay na tambalan nina Season 77 MVP Cherry Ann Rondina at Jem Nicole Gutierrez na may misyong ibalik ang korona sa España.

Matapos tumayo bilang third man ng koponan noong nakaraang season, kumpiyansa si Gutierrez na kaya niyang punan ang puwestong iniwan ni Rica Jane Rivera.

Nitong nakaraang Mayo, iniuwi ng dalawa ang titulo mula sa ika-19 edisiyon ng Nestea Beach Volleyball tournament.

TAEKWONDO

Tiger Jins
Nakaraang taon: Kampeon
Prediksiyon: Kampeon

Inaasahang “team to beat” pa rin ang UST sa men’s taekwondo sa pangunguna nina Season 78 MVP Joaquin Mendoza, Juan Miguel Ramos at Carlos Miguel na kapuwa nag-uwi ng mga gintong medalya para sa Unibersidad noong nakaraang taon.

Nananatiling buo ang mga pambato ng koponan at inaasahang masusungkit nila ang ikatlong sunod na korona.

Dala rin ng Tiger Jins ang karanasan mula sa kanilang pagkapanalo ng kampeonato sa ika-40 na National Taekwondo Championships noong Hulyo kung kailan ang kanilang dalawang koponang inilaban ay nagkamit ng ginto at tanso.

Lady Jins
Nakaraang taon: Ikalawang puwesto
Prediksiyon: Kampeon

Sa kabila ng pagkawala ni Korina Paladin, tiwala pa rin si coach Dindo Simpao na masusungkit ng UST ang kampeonato na huli nitong naiuwi noong 2013.

Ayon kay Simpao, wala pa sa tamang timpla ang koponan at inamin niyang masakit ang kanilang pagkatalo noong nakaraang taon dahil naging dikit ang kanilang laban sa University of the East (UE).

Maliban kay Paladin, hinog na ang lahat ng kanilang mga manlalaro na pangungunahan ni team captain Alyssa Asegurado, Season 76 MVP Abigail Cham at Marjelle Sy.

Hindi magiging balakid sa kampanya ng Lady Jins ang defending champions na UE sapagkat lumipat ang karamihan sa National University at magsisilbi ng isang taong forced residency.

Tiger Jins (Poomsae)
Nakaraang taon: Kampeon
Prediksiyon: Kampeon

Nananatiling paborito ang UST sa larangan ng poomsae dahil sa hawak nito ang titulo mula pa noong isinama ang larong ito sa UAAP noong 2013.

Pangungunahan nina co-captains Jocelyn Ninobla at Rodolfo Reyes Jr., mga world champions, ang pagdepensa sa kanilang titulo.

Ayon kay Ninobla, maganda ang mindset ng koponan para sa kompetisyon at malaki ang pinagkaiba ng kanilang mga ensayo ngayon kumpara noong nakaraang taon.

BASKETBALL

Growling Tigers
Nakaraang taon: Ikalawang Puwesto
Prediksiyon: Final Four

Sa kabila ng pagkawala nina Kevin Ferrer, Ed Daquioag at Karim Abdul, ang “Big Three” na naging sentro ng opensa noong isang taon, hindi pa rin malayong makapasok sa Final Four ang Tigers.

Kahit na bago ang kanilang head coach, unti-unting nabubuo ang kumpiyansa ng koponan na nag-uwi ng pilak sa Recoletos de Cebu Cup noong Hulyo.

“Maganda ang ugali nila at lahat sila ay may puso na manalo,” ani Sablan.

Pangungunahan nina Louie Vigil, Jamil Sherriff at Kent Lao ang Tigers. Huling taon na nila it ng paglalaro sa UAAP.

Growling Tigresses
Nakaraang taon: Ikalimang pwesto
Prediksiyon: Final Four

Sa patnubay ng bagong head coach na si Haydee Ong na dating head coach ng national team, masusubukan ang kakayahan ng koponan na magbalik sa Final Four sa kabila ng pagkawala ng kanilang big man.

Ibibida pa rin ng Tigresses ang kanilang backcourt sa pangunguna nina team captain Jhenn Angeles at Candice Magdaluyo na parehong tirador sa tres.

“Kayang-kaya nating pumasok sa Final Four, [kasi] nakukuha na namin ‘yung sistema na gusto ng coaches,” ani Angeles.

Kahit na wala na si Mythical Five member Maica Cortes, buo pa rin ang loob ni Angeles na magbabalik ang Tigresses sa Final Four.

Nagbabakasakali din siyang makuha ang kampeonatong huling nakamit ng koponan noong 2006.

Tiger Cubs
Nakaraang taon: Ikapitong puwesto
Prediksiyon: Ikaanim na puwesto

Mula sa mapait na kampanya noong nakaraang taon kung saan lumagpak ang koponan sa ikapitong puwesto, masusubok ang tibay ng batang koponan sa pangunguna ng bagong head coach at dating MVP na si Chris Cantonjos.

Ani team captain Clark Ballada, tumaas ang kumpiyansa ng kaniyang mga kasama dahil sa pagdating ng bagong coaching staff.

“Mas maganda ang sistema namin ngayon pati ang kumpiyansa ng mga bata,” ani Ballada.

Lalong mahihirapan ang koponan na ibalik ang dating bagsik sa pagkawala nina Brian Lacap at Lakksman Ganapathy, kasama na rin ang kakulangan sa karanasan ng ibang players.

SWIMMING

Tigersharks
Nakaraang season: Ikaapat na puwesto
Prediksiyon: Ikaapat na puwesto

Dahil malaki ang espasyong naiwan dala ng maagang paglisan nina Franz at Francis Alvin Marquez at Skyler Claveria, mahihirapan pa ring ungusan ng Tiger Sharks ang mga malalakas na katunggali mula sa Ateneo de Manila University, University of the Philippines at De La Salle University.

Sa kabila nito, tiwala si head coach Cyrus Alcantara na ibibigay ng kaniyang koponan ang lahat para umangat ng ranggo ngayong taon.

“Unti-unti nang lumalabas ‘yung gulang ng mga bata at naiintindihan na nila na kailangan talaga magpursigi para manalo,” aniya.

Mamumuhunan ang Tigersharks sa mga long-distance events kung saan malakas ang tiyansa nilang makabuslo ng mga medalya.

Inaasahang itatayo ni Jux Keaton Solita, na makakuha na ang koponan ng una nilang medalya sa loob ng dalawang taon.

Female Tigersharks
Nakaraang season: Ikaapat na puwesto
Prediksiyon: Ikaapat na puwesto

Mahihirapan ding makasungkit ng medalya ang Female Tigersharks sa torneo na inaasahang pangungunahan ng Ateneo, La Salle at UP.

Bagaman mahirap, susubuking pamunuan ng Female Tigersharks ang long-distance events kung saan may tiyansa silang mag-uwi ng mga medalya.

“Nakakatuwa ‘yung mga bata kasi sila ay determinado, lalo na kapag may targets na pinakukuha, pinipilit nila makuha,” ani Alcantara.

Kampante si Alcantara na pangungunahan nina Angelic Saavedra, Althea Belen, Samantha Cambronero at Isabelle Gubat ang koponan sa pagkamit ng medalya.

JUDO

Male Judokas
Nakaraang taon: Ikalawang pwesto
Prediksiyon: Kampeon

Determinado ang Male Judokas na muling maghari sa UAAP at mapagbasak ang defending champions na Ateneo de Manila University.

Kahit wala na si team captain Lucky Flores, tiwala ang bagong kapitan na si former MVP Al Llamas na maibabalik ang korona, lalo pa’t humakot sila ng 20 medalya sa nakaraang Diliman Slam nitong Hunyo.

Hawak ng UST ang sampung titulo sa UAAP men’s judo, ang pinakamarami sa liga.

Feamle Judokas
Nakaraang taon: Kampeon
Prediksiyon: Kampeon

UST pa rin ang inaasahang magkakampeon sa women’s judo dahil hawak ng Female Judokas ang magkasunod na titulo nitong huling dalawang taon.

Buo pa rin ang mga pambato ng Female Judokas na pangungunahan nina reigning MVP Khrizzie Pabulayan, kapitan Tracy Jean Honorio at Lei Tolentino.

Kahit kumpleto pa ang malalakas na pambato, hindi pa din ganoon kakompiyansa si head coach Gerard Arce sa lakas na ipinapamalas ng koponan.

“Nagsisimula kami uli sa umpisa kasi ayaw naming maging kampante,” ani Arce.

Nito lamang Abril, nag-uwi ang Female Judokas ng 11 na medalya sa ikatlong Philippine Sports CommissionWomen’s Martial Arts Festival.

CHEERDANCE

UST Salinggawi Dance Troupe
Nakaraang taon: Ikalawang puwesto
Prediksiyon: Ikatlong puwesto

Sa nakaraang dalawang taon, nanatili ang Salinggawi sa Top 3 ng kompetisyon dala ng kanilang malinis na routine.

Pursigido ang koponan na protektahan ang kanilang puwesto, lalo na at naungusan na nila ang perennial contenders na UP sa unang pagkakataon sa loob ng walang taon.

Magiging mahirap pa rin para sa Salinggawi ang pagkuha ng korona dahil protektado pa rin ito ng three-time defending champions National University.

BADMINTON

Golden Shuttlers
Nakaraang taon: Ikalimang puwesto
Prediksyon: Ikalimang puwesto

Bagaman kumpleto ang line-up na ipaparada ng Golden Shuttlers, hindi maikakailang kulang pa rin sila sa “talento”upang makasingit sa Final Four, isang bagay na hindi pa nila nagagawa simula noong 2014.

“Kulang sa talent ‘yung players, [pero] ang target namin ngayon ay umabot sa Final Four,” ani coach Noli Cajefe.

Sa huling dalawang taon, nanatili ang Golden Shuttlers sa ikalimang puwesto at huli nilang naiuwi ang korona anim na taon na ang nakararaan.

Pangungunahan ng bagong team captain na si Paul John Pantig ang kampanya ng koponan sa darating na season.

Female Shuttlers
Nakaraang Taon: Ikalimang Puwesto
Prediksiyon: Ikalimang Puwesto

Mahihirapan ang koponan na makatuntong sa Final Four dahil malaking kawalan ang paglisan ni Anna Patricia Barredo, ang pinakamagaling nilang manlalaro.

Ayon kay Cajefe, si Barredo lamang ang kayang makipagsabayan sa ibang mga unibersidad tulad ng Ateneo at defending champions na UP.

“Walang pang-fill-up dahil iba ‘yung talent ng mga umalis ngayon, kasi itong [mga players], ‘yung skills nila kalahati lang,” ani Cajefe.

Si Stephie Aquino ang magiging baong kapitan ng Female Shuttlers na huling nakapasok sa Final Four noong 2010.

TABLE TENNIS

Tiger Paddlers
Nakaraang taon: Ikalawang puwesto
Prediksiyon: Finals

Isusulong ng tatlong beteranong sina Norielle Pantoja, Alberto Bazar at Gil Ablanque ang kampanya ng Tiger Paddlers tungo sa kampeonato sa tiyansang putulin ang tatlong taon nilang pagkadapa sa De La Salle University.

Ayon kay head coach Jackson Que, positibo siya na mas mataas ang kanilang tiyansa na makapasok sa Final Four. Dagdag pa niya na malaki ang ipinagbago ng koponan sa mga nagdaang taon.

“Siguro sa Final Four, sure nang pasok tayo pero sa finals, mahirap magsabi kasi nga bilog ang bola,” ani Que.

Huling nalasap ng Tiger Paddlers ang kampeonato noong 2012 kontra De La Salle University.

Lady Paddlers
Nakaraang taon: Ikatlong puwesto
Prediksiyon: Ikatlong puwesto

Sampung taon nang gutom sa kampeonato ang Lady Paddlers at ngayong taon, ibang paghahanda ang ginawa ng koponan para sa kanilang kampanya.

Pangungunahan ni Nina Nacasabog sa kaniyang huling taon ang Lady Paddlers kasama nina Danica Alburo, Kate Encarnacion at Kathleen Tempiatura.

Nagkaroon man ng mga aberya sa mga dati nilang manlalaro, tiniyak ni head coach Lori Wadjad na aayusin nila ang lahat upang manatili sa top three ng kompetisyon.

“’Yung training nila ngayon ay mas mahirap kumpara sa nakaraang taon pero may problema pa sa ugali nila,” ani Wadjad.

Aasahan pa ring mananalanta ang La Salle na nagreyna noong isang taon na wala kahit ni isang talo sa kanilang kartada.

VOLLEYBALL

Junior Golden Tigresses
Nakaraang taon: Ikalawang puwesto
Prediksiyon: Kampeon

Sa pag-usbong nina Eya Laure at Maji Mangulabnan, dalawang natatanging collegiate-calibre players, malaki ang tiyansang mawakasan na ng Junior Golden Tigresses ang kanilang dalawang taong pighati sa titulo.

Ayon kay head coach Emilio “Kung Fu” Reyes Jr., handa na ang kaniyang koponan na harapin ang back-to-back UAAP champions na National University Lady Bullpups na kanilang pinatumba sa finals ng Shakey’s Girls V-League nitong Hulyo.

“Kaya na natin mag-champion ngayon basta trabahuhin natin dahil lumalabas na ‘yung maturity ng team lalo na ‘yung mga star player,” ani Reyes.

Inaaasahang magdaragdag ng puwersa sa opensa ang mga bagong saltang sina Baby Love Barbon at Janna Torres. SPORTS TEAM

LEAVE A REPLY