CHEd, pananagutin ang nasa likod ng Sorsogon ‘bubble’

0
2018
BINIGYANG-DIIN ng Commission on Higher Education (CHEd) nitong Huwebes ang dalawang regulasyon ng pamahalaan na maaaring nilabag ng UST Growling Tigers sa pagsasagawa ng mga ensayo sa tinaguriang “Sorsogon Bubble.”

Nilinaw ni CHEd Chairman Prospero de Vera na nagkaroon ng imbestigasyon ang Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at ang Department of Health (DOH) ukol sa paglabag ng Tigers sa protokol na nagbabawal sa mga gawaing pampalakasan ngayong quarantine.

Nagsagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang CHEd kasama pa rin ang PSC, GAB at DOH sa maaaring paglabag ng Tigers sa alituntuning nagbabawal sa paglabas ng mga edad 20-anyos pababa ayon sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Kailangang tandaan natin itong mga athletes na ito ay estudyante rin, kaya sumama na ang CHEd doon sa imbestigasyon dahil iyong unang imbestigasyon ay iyong athlete part, ngayon iyong student part iyan ay under ng Komisyon,” wika ni de Vera.

Nagkaroon din ng sariling imbestigasyon ang UST sa mga taong nasa likod ng naturang bubble na isinagawa sa Sorsogon, probinsiya ni UST head coach Aldin Ayo.

“Malinaw doon sa CHEd advisories na nakabatay din sa IATF decisions na ang dapat siguruhin ng mga pamantasan ay ligtas ang kanilang mga estudyante at kung maaari ay sila ay nasa bahay,” ani de Vera.

Hinihintay ng CHEd ang magiging resulta ng pagsusuring ginawa ng Unibersidad.

Nakatakdang magkaroon ng pagpupulong ang mga ahensiya ng pamahalaan sa susunod na linggo upang pag-usapan ang magiging hatol.


“Hihintayin namin ang report ng UST at titingnan namin sa imbestigasyon ng UST, sino ba ang nag-authorize nito. Ito ba ay sanction ng pamantasan? Ito ba ay ginawa ng isang opisyal ng pamantasan? Ito ba ay ginawa nang walang pahintulot ang pamantasan? Iyan ang mga unang kailangang tingnan,” wika niya.

LEAVE A REPLY