Tigresses, nakuha ang Game 1 ng PVL kontra FEU

0
496
Photo by Mark Darius M. Sulit

NASUNGKIT ng UST Golden Tigresses ang Game 1 ng semifinals ng Premier Volleyball League Collegiate Conference matapos nilang payukuin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 16-25, 26-24, 25-18, 25-23, sa Arena sa San Juan noong Agosto 29.

Naibuslo ng UST ang huling set makaraan ang service error ni Lady Tamaraw Heather Guino-o.

“Sinabi ko sa mga bata noong first set na kung gusto nilang matalo ‘yong team, madali lang ‘yon pero kung gusto kako nilang manalo, kailangan nila magtrabago and from there, na-challenge sila,” wika ni assistant head coach Ian Fernandez.

Tuluyang kumawala ang UST sa ikatlong set sa pamamagitan ng isang 15-8 blitz na pinangunahan ni Eya Laure.

Sinubukang isalba ng FEU ang ikalawang set matapos nilang itabla ang laban sa 24-all, subalit nagpakawala ng dalawang crosscourt kill si Caitlyn Viray para sa Tigresses.

Nasungkit ng FEU ang unang set sa pamamagitan ng isang quick kill mula kay Jerili Malabanan.

Nagpakawala si Laure ng 19 puntos habang si Milena Alessandrini ay nag-ambag ng 16 puntos.

Nagtala si Malabanan ng 10 puntos para sa FEU.

NU, tinapos ang 8-game winning streak ng UST

Nabigo ang Tiger Spikers na mapanatili ang kanilang malinis na kartada matapos silang padapain ng National University Bulldogs, 25-22, 18-25, 25-22, 25-20, noong Agosto 26.

Bagaman parehong may bitbit na 8-1 na rekord, nanaig pa rin ang Bulldogs sa unang puwesto dulot ng sa mas mataas na kusyento. Nalaglag naman sa ikalawang puwesto ang Tiger Spikers.

Actually, [the loss] was not because of the blocks of NU, but their resiliency on the receives. Naba-block naman namin sila pero may coverage kasi sila tapos kami wala,” wika ni head coach Odjie Mamon.

Nagtala ang NU ng 12 blocks kumpara sa anim ng UST.

Ayon kay Mamon, mananatiling nakatuon ang pansin ng koponan sa kanilang services para masira ang play ng kanilang mga kalaban.

“Bulto ng oras namin sa training ay napupunta sa service, mga 35-40 percent kasi hindi puwedeng wala ‘yon,” ani Mamon.

Nangunguna ang Tiger Spikers sa liga pagdating sa service. Nagtatala ang koponan ng 1.58 service aces kada set.

Dagdag pa ni Mamon, malaking tulong ang pagkakadagdag sa lineup nina opposite hitter Genesis Redido at libero Jelex Mendiola.

“Malaking bagay ang pagpasok ni Redido at Jelex kasi na-stabilize ang pasa namin,” wika ni Mamon.

Nag-aambag si Redido ng 8.3 puntos kada laro habang si Mendiola ay nagtala ng 21.5 excellent digs sa loob ng dalawang laro.

Susunod na makakaharap ng Tiger Spikers ang Adamson University Soaring Falcons sa Game 1 ng semifinals sa ika-1 ng Setyembre, Sabado, ika-11 ng umaga, sa parehong lugar habang ang Game 2 ng women’s division ay gaganapin sa ika-2 ng hapon.

LEAVE A REPLY