NAGING bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang sumangguni sa kani-kanilang mga patron sa oras ng pangangailangan o ng pagninilay.
Bilang isang Katolikong pamantasan, mayroong mga patron sa bawat kolehiyo ang Unibersidad ng Sto. Tomas. Ang mga patrong ito ang nagsisilbing modelo at inspirasyon ng mga Tomasino upang mamuhay sa patnubay ng kanilang mabubuting hangarin. Bukod dito, nakatutulong din ang mga patron upang maikintal sa kaisipan ng mga mag-aaral ang kaaya-ayang buhay nila. Nag-iiwan sila ng isang malaking hamon upang magsumikap hindi lamang sa larangang pang-akademiko kundi maging sa buhay ispiritwal.
Pinili ang mga santong ito, hindi lang dahil sa malaking kontribusyon nila sa pagpapalaganap ng kanilang pananampalataya, kundi dahil na rin sa kanilang ginampanang tungkulin na angkop sa mga kurso ng Unibersidad.
Santa Cecilia: Patrona ng Conservatory of Music
Si Sta. Cecilia ang patron ng Conservatory of Music na sinisimbolo ng instrumentong organ o organ-pipes.
Bilang isang Kristiyanong martir, nakilala rin siya sa larangan ng pinong sining at pagtula.
Naglalahad ng pagsasakripisyo ang kanyang kuwento. Nagsusuot siya ng damit na gawa sa sako at ang pag-aayuno ang kanyang naging madalas na gawain. Sa kanyang pananalangin hiniling niya mula sa mga anghel, santo at birhen na bantayan ang kanyang pagka-birhen. Ipinakasal siya ng kanyang mga magulang kay Valerian, isang binatang pagano. Sa gabi ng kanilang kasal, sinabi niya sa kanyang kabiyak na may mga anghel na nangangalaga sa kanyang pagka-birhen. Sa kagustuhan ni Valerian na makita ang mga anghel, pinilit niya si Cecilia. Ngunit sinabi ni Cecilia na makikita lamang niya ang mga ito kung magpapabinyag siya. Sa bandang huli, natupad ang kagustuhan ni Valerian nang maaninag niya ang isang anghel na may tangang dalawang korona ng rosas at mga lilies habang nananalangin nang taimtim si Cecilia.
Dinanas ni Sta. Cecilia ang labis na pagmamalupit sa kamay ng mga taong umaresto at nagtangkang lumunod sa kanya. Ninais nilang itakwil si Sta. Cecilia ang kanyang pananampalataya. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nagawa niyang makaligtas. Ngunit lumipas ang ilang araw, pinugutan siya ng ulo.
Tinawag na patron ng musika si Sta. Cecilia dahil nakarinig siya ng himig ng mga anghel noong ikinakasal siya.
Santa Isabela ng Hungary: Ang Patrona ng College of Nursing
Ipinanganak si Sta. Isabela sa Hungary noong 1207. Ipinagkasundo ang kanyang kasal kay Hermann, isang dugong-bughaw na tulad niya, noong apat na taong gulang pa lamang siya. Ngunit hindi nagtagal ang kanilang pagsasama dahil sa hindi nila pagkakasundo. Pagkalipas ng sampung taon, nagpakasal siyang muli sa kapatid ng kanyang unang asawa na si Ludwig.
Nang sumapit ang taong 1226, lumaganap ang taggutom, na sinamahan pa ng pagbaha at pananalanta ng mga insekto. Dahil dito, tumulong si Isabela sa mga nangangailangan. Nangalap siya ng mga gamit na makatutulong sa mga mahihirap. Nagtayo rin siya ng ospital upang personal na alagaan ang mga dukha.
Ipinagpatuloy ni Ludwig ang kanyang mga adhikain hanggang sa binawian siya ng buhay nang sumunod na taon.
Sa kabila ng mapait na karanasang iyon, ipinagpatuloy pa rin ni Isabela ang kanyang sinimulan. Di naglaon, ipinagkaloob sa kanya ang titulong Third Order of St. Francis bilang isa sa mga first tertiaries ng Aleman. Nagpatayo rin siya ng isang Franciscan hospital at ibinuhos niya ang kanyang panahon sa pag-aaruga ng mga may sakit.
Ikinamatay niya ang lubos na pagbibigay ng serbisyo. Sumakabilang buhay si Sta. Isabela, sa gulang na dalawampu’t-apat.
San Antoninus ng Florence: Graduate School
Ipinanganak sa Florence, Italya noong 1389, nagmula sa relihiyosong pamilya si San Antoninus. Bata pa lamang siya nang makahiligan niyang magdasal ng isang oras sa harap ng krus sa simbahan ng San Michele. Lagi rin siyang sumasama sa mga prusisyon at taimtim na nakikinig sa mga sermon sa misa. Nang makahantong sa edad na labinlima, pinuntahan niya si John Dominici upang humingi ng pahintulot na makasapi sa mga Dominiko. Ngunit pinabalik siya. Marahil inakala ni Dominici na masyado pa siyang bata at baka hindi niya makayanan ang hirap ng buhay sa seminaryo. Bago lumisan si Dominici, sinabi niyang kailangang makabisado ni San Antoninus ang Decretum of Gratian, isa sa mga kasulatan ng mga Dominikano.
Matapos ang isang taon, nagbalik siyang muli at sa pagkakataong iyon, tinanggap na siya sa Orden. Naging makabuluhan ang kanyang pananatili at maraming Dominikano ang pinahanga niya. Noong 1453, naatasan siya bilang ambasador ng bagong Santo Papa na si Pope Calixtus III.
Noong 1453, namatay siya at ang mga katagang “servire deo regnare est,” na nangangahulugang ang magsilbi sa Panginoon ay ang mamuno, ang kanyang naging huling salita.
San Jordan ng Saxony: Faculty of Engineering
Kilala rin bilang Gordanus, Giordanus, at Jordanus de Alamaia si San Jordan. Bata pa lamang siya nang magsimula ang kanyang pagtulong sa mga kapus-palad. Napahanga niya ang kanyang mga tagapakinig dahil sa kanyang husay sa pabibigay ng sermon. Ito rin ang dahilan ng pagsali ni San. Albertus Magnus sa kanilang Orden.
Nakapagtapos siya ng pag-aaral sa Aleman at nakatanggap ng Masters Degree sa Teolohiya sa Unibersidad ng Paris. Nagdesisyon siyang sumali sa Order of Preachers noong 1220 sa ilalim ng pamamahala ni Sto. Domingo. Makalipas ang dalawang taon, pinalitan niya si Sto. Domingo bilang master-general ng Order. Sumulat din siya ng tungkol sa buhay ni Sto. Domingo at sa kanyang mga karanasan sa pamamalagi sa Orden.
Noong 1237, habang naglalakbay patungong Holy Land, lumubog ang barkong kanyang sinasakyan at sa kasamaang palad, namatay siya.