BINALAAN ni Papa Francisco ang mga kabataang dumalo sa World Youth Day (WYD) 2016 na huwag makuntento sa “sofa happiness” o ang madali at kumportableng buhay.
“Today’s world demands that you be a protagonist of history because life is always beautiful when we choose to live it fully, when we choose to leave a mark,” wika ng Santo Papa sa ginanap na WYD mula ika-26 hanggang ika-31 ng Hulyo sa Krakow, Poland.
Aniya, hindi nararapat na maging “couch potatoes” ang mga kabataan. Hinikayat niya ang mga ito na maging aktibong miyembro ng pamayanan.
“The times we live in do not call for young ‘couch potatoes’ but for young people with shoes, or better, boots laced. It only takes players on the first string, and it has no room for bench-warmers,” wika ng Santo Papa.
Bukod sa mga aktibidades sa Krakow, nagdaos din ng lokal na pagdiriwang ng WYD ang iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas katulad ng Diyosesis ng Cubao, Parañaque at San Pablo sa Laguna.
Naging daan ang makabagong teknolohiya para mapalaganap ang Mensahe ng Habag na tema sa mga kabataang hindi nakadalo sa Poland kasabay ng Extraordinary Jubilee Year of Mercy.
Inilunsad ang mobile application na “DOCAT” kung saan nakapaloob ang Katuruang Panlipunan ng Simbahang Katolika. Ito ay sadyang ginawa para sa mga kabataan.
“Iminumulat ng WYD ang mga kabataan sa posibilidad na ipalaganap ang pananampalataya sa lahat ng posibleng paraan lalo na sa social media,” ani propesor Richard Pazcoguin ng UST Center for Campus Ministry.
Ang pakikisalamuha sa kapuwa Kristiyano mula sa iba’t bansa ang hindi malilimutang bahagi ng mga Tomasinong lumahok sa WYD.
Ayon kay Rafael Lopez, mag-aaral mula sa Faculty of Arts and Letters at delegado ng Dominican Network (Domnet) Youth Group sa WYD, isang pagkakataon ang WYD para sa mga kabataan na makipagdiskurso sa iba’t ibang tao sa buong mundo na walang gamit na teknolohiya.
“Ang WYD ay isang [oportunidad para] maka-connect sa iba’t ibang tao sa buong mundo na hindi kailangan ng Internet connection. Dahil dito nakatutulong ang WYD na mapalawak ang network at mabuksan ang mata ng mga kabataan na katulad ko dahil sa pagkakataong makisalamuha sa mga taong nakikipagtipon,” ani Lopez.
Para naman kay Jay Jusay mula sa Faculty of Pharmacy at delegado rin ng Domnet sa pagdiriwang, naging isang pangmulat ang WYD para sa mga kabataan.
“Isa itong kakaibang karanasan na maaaring mabuksan ang kanilang isipan sa iba’t ibang kultura at pakikisalamuha sa ibang tao nang may respeto sa bawat isa,” ani Justine Leigh Doinog mula sa Faculty of Engineering na delegado rin ng Domnet.
Itinatag ni Santo Papa Juan Pablo II ang WYD noong 1984 sa layunin na maranasan ang pandaigdigang sakop ng Simbahan, tanggapin ang mga sakramento at ipahayag ang mensahe ng Panginoon. Nakatakdang ganapin sa Panama ang susunod na WYD sa 2019.