ILANG personalidad ng Simbahan at pamahalaan ang nahaharap sa kasong “inciting to sedition” dahil sa umano’y pagplano na pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon. Ngunit ayon sa kanila, hindi ito dahilan para tumigil sa pagpanig sa katotohanan.

Ika-18 ng Hulyo nang magsampa ng kasong inciting to sedition ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group laban sa 36 na indibidwal kabilang ang mga miyembro ng oposisyon at alagad ng Simbahan.

Ayon sa kasong isinampa, nasa likod sila ng “Ang Totoong Narcolist,” ang serye ng video na ikinalat ni Peter Advincula o “Bikoy.”

Sina Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, P. Flaviano Villanueva, P. Robert Reyes at P. Albert Alejo ang ilan sa mga sinampahan ng kaso.

Ayon kay Bacani, isang panibagong antas ng pagmamalupit sa Simbahan ang kasong isinampa sa kanila.

“Never have been before that bishops are charged sedition or inciting to sedition. I am happy that people are reacting. [It is] time for Catholics to protest,” wika ni Bacani sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, hindi makatotohanan ang kasong ito dahil malinaw na wala itong ebidensiya.

Iginiit naman ni Villegas na alam niyang wala siyang ginawang mali at inihihingi niya ng tawad sa Diyos ang mga kinauukulan sa maling paratang sa kanila.

“The good Lord knows I am innocent of the crime they charge me with. [I]f the process will be fair and truthful; I know the authorities will see it too. I pray to the Lord to forgive those who accuse us falsely,” giit ni Villegas sa isang pahayag.

Ayon naman sa Tomasinong Heswita na si Alejo, palaging kalakip ng pagiging mabuti ang pagiging totoo.

“Hindi sapat ang hayaan mo ang mga biktima ng pagpatay, kailangan usisain kung sino ang mastermind ng pagpatay. Hindi sapat ang pag-rehabilitate ng mga drug addicts, kailangan usisain natin kung sino ang utak ng sindikato ng droga,” wika ni Alejo sa isinagawang solidarity Mass at candle lighting para sa mga sinampahan ng kaso.
Dagdag pa niya, dapat mamulat ang publiko sa mga nangyayari.

“Kailangang madama nating niloloko tayo. [T]his is not the time to fold up. [W]e need to provide sanctuary to the victims, and one victim is truth. Therefore, we need to provide sanctuary for truth,” wika ni Alejo.

‘Gising ang Simbahan’

Winika ni P. Flaviano Villanueva, mula sa Society of the Divine Word, na kailangan pang magsaliksik sa katotohanan lalo na sa naunang pahayag ni “Bikoy.”

“Kung talagang tunay tayong nagsasaliksik ng katotohanan, tignan muna natin ‘yong mga una niyang pamamaratang, ‘yong mga una niyang affidavits, tignan muna natin ‘yon. Suriin natin nang mabuti kung tunay tayong nanalig at nakikiisa sa katotohanan,” wika ni Villanueva sa isang panayam.

Para kay P. Robert Reyes, isang aktibistang pari, pang-aabala lamang ang kasong isinampa sa kanila.

“[I]’m very happy that the Church is coming alive, finding its voice again, and performing its sacred duties on moral vigilance,” wika ni Reyes.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.