(Photo grabbed from Catholic Bishops Conference of the Philippine official Twitter account.)

PUMANAW ang Tomasinong si Oscar Cruz, arsobispo emerito ng Lingayen-Dagupan at dating pangulo ng Catholic Bishops’ of the Conference of the Philippines (CBCP), sa edad na 85, ika-26 ng Agosto.

Namatay si Cruz dahil sa multiple organ failure dulot ng Covid-19, ayon sa kasalukuyang arsobispo ng Lingayen-Dagupan, Socrates Villegas.

Ganap na 6:45 ng umaga binawian ng buhay ang arsobispo sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan, ayon sa CBCP.

Kilalang kritiko si Cruz ng mga paglabag sa karapatang-pantao at illegal gambling.

Pumasok siya sa UST Central Seminary noong 1954 at nagtapos ng kaniyang licentiate sa pilosopiya sa Ecclesiastical Faculties noong 1962.

Inordenahan si Cruz bilang pari noong ika-10 ng Pebrero 1962 sa Arkidiyosesis ng Manila, at naglaon ay nagsilbing katuwang na obispo kasama si Cardinal Jaime Sin.

Itinalaga siyang arsobispo ng San Fernando noong 1978 at nagsilbing arsobispo ng Lingayen-Dagupan sa loob ng 18 taon mula 1991.

Pinamunuan niya ang CBCP mula 1995 hanggang 1999.

Nagretiro si Cruz bilang arsobispo noong 2009 pero nanatiling judicial vicar ng CBCP National Appellate Tribunal at direktor ng Legal Office hanggang 2019. 

Dadalhin sa Katedral ng San Juan Ebanghelista sa Dagupan City ang mga abo ni Cruz at bubuksan sa publiko ang pagbisita sa ika-27 ng Agosto, mula 6:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi, ayon kay Arsobispo Villegas.

Nakatakdang ilagak ang mga abo Cruz sa ika-28 ng Agosto sa Santuario de San Juan Evangelista. Joenner Paulo L. Enriquez, O.P. at Joselle Czarina S. de la Cruz

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.