Editor’s note: The following is Caloocan Bishop Pablo Virgilio David’s homily during the Solidarity Mass for the Moral Choice at the Baclaran Church on April 6.


Minamahal kong mga kapatid kay Kristo, magandang umaga po sa inyong lahat. Magpasalamat tayo sa Panginnong Diyos na tumawag sa atin upang magkatipon para sa pagdiriwang na ito sa banal na Eukaristiya sa pamumuno ng kanyang kabunyian, Jose Cardinal Advincula, mga kapatid na obispo, mga pari, relihiyoso, at mga alay kong lingkod.

Sa araw na ito nagkatipon tayo para sa tinawag nating “Solidarity Mass for the Moral Choice” upang magkaisa tayo ng puso’t diwa bilang mga pari, relihiyoso, at mga laikong lingkod tungkol sa ating papel na dapat gampanan sa koteksto na nalalapit na nahalalan na magaganap sa Mayo 2022. Alam kasi natin bilang servant leaders ng simbahan, nakapalaki ng pananagutan natin sa Diyos na magabayan ang mga mananampalataya sa pagpili ng kandidato iboboto sa darating na eleksyon alang-alang sa kinabukasan ng ating bansa. Aminin natin, lalo na ng kaparian at relihiyoso, matagal na nating hindi nagagampanang mabuti ang responsibilidad nating ito. Kaya tuloy napakanegatibo, hanggang ngayon, ng attitude ng maraming mga kababayan natin tungkol sa pulitika. Ito siguro ang dahilan kung bakit ang tipikal na reaksyon ng marami sa ating mga kapatid sa pananampalataya ay ganito: “Bakit ba tayo makikialam sa pultika? Ano ba ang kinalaman ng pulitika sa pananampalatay?” Ang simpleng sagot ay, “Malaki.”

Kung walang liwanag na mabigay ang pananampalataya sa ating desisyon na may kinalaman sa pulitika, baka talagang nagkulang tayo sa ating tungkulin. Sa totoo lang, di hamak na mas madali ang sabihin na lang kung sino ang iboboto kaysa kung paano bumoto ang isang Kristiyano. After all, mga citizens din naman tayo ng ating bansa at may karapatan tayo ayon sa Konstitusyon na makilahok sa buhay pampulitika ng ating bansa. Pero ginagawa natin ang mas mahirap na proseso ng paggabay sa pamamagitan ng ating  “circles of discernment”at consensus-building dahil iginagalang ang konsensiya ng bawat tao, dahil bilang mga leaders sa aspetong moral at espiritwal, alam natin ang pangunahing tungkulin natin ay gabayan ang ating mga kababayan sa pakikinig sa bulong ng Diyos, kung paano dapat bumoto ang isang alagad ni Kristo.

Naging mas matindi ang tungkulin nating ito sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa. Lalo na ngayon na ang pangunahing usapin sa larangan ng pulitika ay may kinalaman sa espiritwal at moral. Ang isyu ng katotohanan at kasinugalingan. Mga kapatid, hindi natin dapat ituring na kalaban ang sinuman sa mga kababayan natin pati na ang hindi sumasangayon sa atin. Alam niyo, natutuwa akong marinig ang mga tinig tulad ng, “hindi namin kayo kalaban. Kasama kayo sa aming pinaglalaban.” Ito ang tamang attitude ng isang Kristiyano dahil wala naman tayong kaaway sa mundo kung hindi ang prinsipe ng kasinungalingan, si Satanas. Siya lang ang tinuro ng Simbahan na dapat nating itakwil mula pa sa pagkabinyag natin. Sa panahong ito, ang dating ng salita ng Diyos ay parang kalamansi sa sugat. Naalala ko kaninang madaling araw sa aking pagdarasal, ang pamagat sa isang album ng isang koleksiyon ng mga kanta ni Heber Bartolome, “Kalamsi sa Sugat.” Ang pinaghugutan niya ng inspirasyon ay ang kwento na narinig na nating lahat nung tayo ay mga bata pa. Ang Alamat ng Ibong Adarna. Kalamansi sa Sugat. Wow. Ang hapdi ata nun. Pero ayon sa kwento ng Ibong Adarna, ito ang payo sa pulubing pinakain ng bunso sa tatlong magkakapatid na nag-attempt na huliin ang ibong Adarna sa kagubatan alang-ala sa kanyang amang hari na may sakit. Nadaanan daw nilang tatlo ang taong nagugutom sa may tabing-daan, pero bukod tanging ang bunso lamang ang huminto upang pagmalasakitan ang pulubi. Kaya daw sa kaniya’y pinagkatiwala ng pulubi, na isa palang engkatada, ang sikreto. Kung ibig daw niyang mahuli ang mahiwagang ibon upang mapagaling ang kanilang amang hari mula sa kanyang malubhang karamdaman, kailangan ng kalamansi sa sugat. Ganitong bilin ng matandang pulubi: “Kapag nagsimulang umawit ang ibong Adarna, aantukin ka na. Kailangan labanan mo ang antok, manatli kang gising. Kung hindi, makakatulog ka, at kapag dumapo ang ibon sa iyo, at mapatakan ng ipot ang ulo mo, magiging bato ka na katulad ng mga kapatid mong nauna sayo. Sa sandaling iyon, sugatan mo ang balat mo at duruan mo ng kalamansi para manatili kang gising. Batahin mo ang hapdi. Yan lang ang paraan kung ibig mong mahuli ang Ibong Adarna.”

Ang paghahangad sa katotohanan para sa ating mga Pilipino ay katulad ng pakikinig sa awit ng Ibong Adarna. Kung ibig natin awitan ito ang ating bayan upang mapagaling ito sa kanyang sakit, kailangan manatiling gising. Ang katotohanan kasi, kung minsan ay mahapdi ang dating ngunit ito ay panlaban sa mga awit na nakakabulag at nakapagpatulog sa atin hanggang sa tayo ay maging mistulang mga bato. Noong seminarista pa ako, may natutunan akong isang kantang Cebuano sa isang kaklase kong taga Bukidnon. Ang pamagat ng kanta ay “Buta.” Sa Tagalog, “Bulag.”

Ganito ang sinasabi sa Cebuano:

Pagkadaghan sa mga nahigmata

Nga mangandoy pang matulog

Kay mas tam-is pang magdamgo

Sa mga dili tinuod

Ang saksi sa kamatuoran

Mo piyong lang kasagaran

Ug mag-antos lang nga pasipad-an

Ang luha ug kaangayan

 

At ang sabi ng refrain:

 

Buta kita sa pagpakabana

Buta kita sa luha

Ug way polos ang hayag

Sa atong mga mata

Kon sa kasing kasing

Magpabilin tang buta

Ngayon tagalugin natin. Napakarami daw ng mga taong dila ngunit tulog dahil mas masarap daw ang managinip ng mga bagay na hindi totoo. Ang mga saksi sa katotohanan, kadalasan pumipikit lamang at pilit binababata ang pagyurak sa pag-ibig at katarungan. At sabi ng refrain, bulag tayo sa malasakit. Bulag tayo sa luha. Walang silbi ang liwanag ng ating mata kung sa ating puso ay manatili tayong bulag sa malasakit, bulag tayo sa luha. Walang silbi ang mga luha sa ating mata kung sa ating puso manatili tayong bulag. Sa aming unang inilabas na sulat pastoral bilang inyong mga lingkod na obispo sa Pilipinas tungkol sa halalan na pinamagatang, “Ang Katotohanan ang Magpapalaya Sa Inyo,” doon nasabi namin na magkakambal ang katotohanan at ang kalayaan. Kapag pinaglalaruan ang katotohanan, pinaglalaruan din ang kalayaan. Maaari tayong bulagin ng kasainungalingan at panlilinlang. Maari nitong patulugin ang konsensya at patigasin tayong parang mga bato. Sa misang ito, ang narinig natin sa mga pagbasa ay parehong tungkol sa katotohanan.

Sa unang pagbasa, hinamon daw ang tatlong kabataan, sina Sadrak, Mesak, at Abednego. “Totoo ba?” sabi ng hari, “totoo ba na sumasway kayo sa utos ko, na kayo ang sumamba sa istatuwang ginto na tinayo ko upang sambahin ninyo atng buong bayan sa babylonia bilang Diyos?” Sumagot ang tatlong kabataan,. Ang sagot nila, “Opo, mahal na hari. Iyan po ang katotohanan.” Inamin nila ang katotohanan kahit alam nilang ipagkadurusa nila ang totoo, kahit alam nila itatapon sila sa loob ng nagbabagang pugon, pinaningidan nila ito. Kaya lumakad sila sa loob ng pugon, ngunit lumakas sila nang hindi nag-iisa, may pang-apat na kalakbay, at hindi sila nasunog sa apoy.

Sa ebanghelyo naman na nariig natin, ayon kay San Juan, sa kabila ng lahat ng paninira ipinalalaganap laban kay Hesus ay mayroon pa ring mga taong naniwala sa kanya, at ito ang sinabi ng Panginoon sa mga sumusunod pa rin sa kanya: “Kung manatili kayo sa aking salita, kayo ang magiging tunay na alagad ko. Mamumulat kayo sa katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Aba, apat na linya pala ito. Bakit ba ang pang-apat lang ang madalas nating tinatandaan? “The truth will set you free.” Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo. Totoo ba ‘yun? Depende. Paano tayo palalayain ng katotohanan kung hindi natin ito paninindingan? Paano natin paninindingan ang katotohanan kung hindi natin ito aalamin? Paano natin aalamin ito kung hindi tayo mananatili sa kanyang salita bilang kanyang mga alagad? Siya na ating tinuturing na landas, katotohanan, at buhay.

Sa panahon natin ngayon, madalas din nating marinig ang tanong na tinanong ni Pilato kay Hesus, “Ano ba ang katotohanan?” Ayon kay San Juan, interesado talaga si Pilato sa katotohanan. Nag imbistiga rin naman siya kaya niya nalaman niya na walang katotohan ang mga paratang laban kay Hesus. Ngunit sa takot na matawag siyang taksil sa interes ng imperador ng Roma, dahil sa takot na maalis siya sa kapangyarihan, anong ginawa niya? Nandigan ba siya sa katotohanan na kanyang natagpuan? Hindi. Pinili niyang maging neutral dahil hindi niya kayang panindigan ang katotohanan. Alam din ni Pilato na ang sumisigaw na ipako si Hesus ay mga bayaran. Wala silang pinagkaiba sa mga trolls sa social media sa panahon natin ngayon na napakahusay kumontrol ng opinyon ng publiko sa pamamagitan ng pagpalaganap ng kasinungalingan bilang katotohanan. Mga kapatid, uulitin ba natin ang pagpako kay Kristo sa krus sa darating na eleksyon? Tama ang sabi ng propagandistang si Goebbels, propagandista ni Hitler. Ang sabi niya,  “Ang kasinungalingan, kapag inulit mo nang minsan, kasinungalingan pa rin ‘yan. Ngunit ulitin mo ito nang ulitin nang libong beses, ito’y nagiging katotohanan.” Ito ay mas lalong napatunayan sa tindi ng impluwensya ngayon ng social media lalo na panahon ng pandemya. Ang teknolohiya na dapat sana’y para sa impormasiyon ay gamit na gamit ngayon nang husto para sa disinformation, para sa panlilinlang. May nabasa akong isang Facebook post na ganito ang sinasabi: pinili daw ng marami si Barabas. Tumawag ng eleksyon si Pontius Pilato, dahil nga nag hugas kamay siya. Pili kayo sa dalawang kandidato: Si Hesus o si Barabas. Sino ang pinili? Si Barabas. Pinili daw si Barabas hindi dahil siya ang mahal nila nila kung hindi dahil galit sila sa katotohanan. Minsan ang galit at hinanakit ay pwedeng mag silbing parang piring na tumatakip sa ating mga mata at sa ating konsensya.

Sa ikalawang sulat na inilabas ng CBCP tungkol sa halalan, nasabi rin namin, “mga kapatid makilahaok at magpahayag tayo sa paraang makatarungan at mapayapa. Labanan naman natin ang pagsasawalang-bahala. Magmalasakit tayo lalo na sa kapakanan ng kapwa at ng bayan. Baka kasi meron sa atin na matagal nang mga miron lamang, nanonood lamang, at hindi gagalaw hanga’t hindi sila naaapektuhan, naghihintay lamang kung ano kahihinatnan ng halalalan. Umaasa lang sa survey. Iboboto daw ‘yung popular. Ibobot daw yung winnable. Nasaan ang malasakit sa ganyang attitude? Mag-ambag tayo sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tungkulin. Hindi natin maitataguyod ang kinabukasan nang hindi tayo kasali. ‘Wag natin iasa ito sa iba, kailangan kasangkot at kabahagi tayo. Baguhin natin kahit paunti-unti lamang ang ating kultura pampulitika. Kung mananatiling mababa ang pagtingin at pagkilos natin sa pulitika, hindi pag-unlad ang ibubunga nito. Huwag natin isugal ang kinabukasan ng ating bansa. Kung minsan kasi kung mahapdi o masakit na ang dating katotohanan parang kalamsi sa sugat, parang ayaw na natin tumingin o makinig. Minsan, pinipili nalang natin mag bulag-bulagan o mag bingi-bingian. Minsan ikakatwiran natin, “ba’t pa ako makikialam pa sa buhay ng mag buhay? Baka tawagin pa akong pakialamero.” ‘Yun pala, magkaka-kabit-kabit tayong lahat. Ang pagkahamak nila ay pagkahamak natin lahat . Sabi nga ni San Pablo, ang sambayanan ng mga alagad ay katawan ni Kristo. At sabi ng kulturang Pilipino, “ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong kawatan.” Sa konteksto ng pakikilakbay sa landas ni Kristo, mga kapatid, huwag tayo matakot lumakad sa apoy ng katotohanan.

Narito ang summary ng ibig-sabihin ng moral choice sa darating na eleksyon: 

Una, bilang mabuting Kristiyano pananagutan natin sa Diyos ang bumoto ng tama at naayon sa konsensya. 

Pangalawa, upang mangyari ito kailangan magbukas ng isip para makinig, magsiyasat sa tama at totoo, magsikap kumilatis sa dapat at hindi dapat paniwalaan sa nakukuhang impormasyon sa social media. 

Pangatlo, tayo ay boboto para sa mga kandidatong magpapanatili at magpapatatag sa demokrasya, susunod sa batas, gagalang sa dangal at karapatan ng tao. 

Pang-apat, tayo ay boboto para sa mga kandidato na magtatanggol sa teritoryo ng atin bansa lalo na sa West Philippine Sea sa isang matapang ngunit mapayapang paraan.

Pang-lima, tayo ay boboto para sa kandidatong magtutuwid sa kultura at kalaran ng korupsyon at katiwalian sa gobyerno. 

Pang-anim, tayo ay boboto para sa kandidatong may tunay na paggalang at malasakit sa mga kababaihan.

Pampito, tayo ay boboto para sa kandidatong magpapalakas sa diwa ng partisipasyon ng mga mamamayan sa pamahalaan.

Pangwalo, tayo ay boboto para sa mga magtataguyod sa mga usaping pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo.

Pang-siyam, tayo ay boboto para sa mga kandidatong may tunay na determinasyon na itigil ang illegal gambling, illegal drug trade, illegal logging, illegal mining at iba pang mga industriya na nakasisira sa kalikasan, kultura at mabuting pagpapahalaga ng mga Pilipino. 

Pang-sampu, tayo ay boboto para sa mga kandidatong may integridad, tumototoo, may isang salita, magtataguyod sa mabubuting programa ng mga nakaraang administrasyon at marunong pumili ng mahuhusay at matuwid na makakatrabaho sa gobyerno. 

Pang-labing-isa, tayo ay boboto para sa mga kandidatong magbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan na mangarap at maghangad na matupad ang mga pangarap para sa sarili, para sa pamilya at para sa bayan.

Pang-labing-dalawa, tayo ay boboto para sa mga kandidato na marunong makinig sa tinig ng taumbayan lalong-lalo na ng mga maliliit. Handang tumanggap ng pagkakamali, may kakayahan magsakripisyo, may paggalang sa kalayaan ng tao sa usaping panrelihiyon at pananampalataya. 

Pang-labing-tatlo, tayo ay boboto para sa pinuno may pagmamalaki sa international community. Pinunong simple ngunit matalino. Pinunong disente at buo ang loob na manindingan sa tama at totoo. 

Pang-labing-apat, tayo ay boboto sa magpapatuloy sa tunay na diwa ng EDSA Peope Power. Tayo ay boboto para sa hindi magpapadikta sa mga dayuhan, hindi magpapadikta sa mga hasyendero at malalaking negosyante, at magtataguyod sa kapakanan ng lahat lalong lalo na sa mga laylayan ng lipunan.

Sa huling suma, tayo ay boboto para sa kandidatong na makadiyos, makatao, makabayan, makakalikasan, at makabuhay. Mga kapatid sa sandaling ito, tumahimik po tayo upang marinig ang pangalan na binubulong Diyos sa ating konsensya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.