30 Agosto 2015, 8:15p.m. – BINIGYANG-DIIN ng mga
kinatawan ng Filipinas ang malaking gampanin ng mga tagapagsalin sa
pagpapayabong ng kamalayang pampanitikan sa huling araw ng Asean Literary
Symposium, ika-28 ng Agosto sa Ateneo de Manila.

Iginiit ni Danilo Francisco M. Reyes ng Ateneo na
nararapat parangalan ang mga Filipinong iskolar na nagsasalin ng mga akdang
banyaga sa wikang Filipino. Dapat din aniyang suportahan ng pamahalaan ang
kanilang mga adhikain.

We should reward translators and scholars,” ani
Reyes sa harap ng mga kinatawan ng iba’t-ibang bansa sa Timog-Silangang Asya. “We
should also protect them from piracies and unjust appropriations.

Ipinahayag din ng mga Filipinong delegado ang kanilang
pagkadismaya sa kultura ng pagsasalin sa bansa kung saan nauuwi lamang sa
mga textbook ang mga isinaling akda sa Filpino, imbes na
naililimbag nang maayos at napababantog sa mga Filipinong mambabasa.

Iminungkahi ni Reyes ang pakikipag-ugnayan sa mga
malalaking bookstore sa Timog-Silangang Asya upang mas maging
madali ang distribusiyon ng mga akda. “We have materials, but the problem is
accessibility,” 
wika niya.

Iginiit naman ni Marne Kilates, tanyag na makata at
tagapagsalin, na sa kabila ng hindi gaanong katanyagan ng larangan ng
pagsasalin sa bansa, nararapat pa ring sanayin ang mga Filipinong iskolar lalo
na sa pagsasaalang-alang ng wordplay sa pagsasalin ng mga
tulang banyaga.

“Ang isang tagapagsalin ay dapat marunong mamangka sa
dalawang ilog; [‘yong may sapat na kaalaman sa paggamit ng dalawang magkaibang
wika] at dapat may sanga-sangang dila,” aniya.  

Idiniin naman ni Mario Miclat, propesor ng Philippine
Studies sa Unibersidad ng Pilipinas at isang ring tagapagsalin, na ang ugat ng
suliranin sa ating kulturang pampanitikan ay ang hindi pagpapahalaga sa
pambansang wika at ang pagtingin dito bilang isang mas nakabababang wika kumpara
sa Ingles.

Filipinos would not admit that they read Filipino
literature,” 
aniya. Dagdag pa niya, hindi lamang dapat mga akda sa
Ingles ang isinasalin sa wikang Filipino, kung hindi pati na rin ang mga akda
ng mga karatig-bayan sa Asya na nasa wikang Indones, Lao o Malay.     

Sinabi naman ni Rebecca Añonuevo, pinuno ng Department of
English sa Miriam College, na magsisilbing tulay sa matibay na pagsasamahan ng
mga Asyanong bansa ang pagsasalin sa Filipino ng mga akdang pampanitikan mula
sa wikang banyaga. Ito ay daan sa integrasiyon ng mga nagkakaisang lahi sa
rehiyon, aniya.

Isinalaysay niya kung paano naging malaking bahagi ng
panitikang Filipino ang paggunita sa mga sakuna tulad ng Bagyong
“Ondoy,” lindol noong 1991 at ang panahon ng Batas Militar.

Literature makes us remember the power of our natural
forces,” 
ani Añonuevo. “The literature of catastrophe is our song
of trauma.”

Kaugnay ng talumpating ni Añonuevo, maraming delegado
ang nagsalaysay ng kani-kanilang karanasan sa kasagsagan ng mga
kalamidad. 

We, Asean countries, have a
‘catastrophe’ connection,” 
wika ni Melani Budianta ng Indonesia. “Aside
from having the same monsoon, we have experienced similar social and political
‘storms’ and life-changing disasters that all affect our literature.” 

Samantala, pinuri naman ni Trisilpa Boonkhachorn, kinatawan
ng Thailand, ang kagandahan ng panitikang Filipino na aniya’y may malaking
pagkakaugnay sa panitikang Thai bunsod ng magkakadugong mga ninuno sa rehiyong
Malay.

Ang Asean Literary Symposium ay tatlong araw na pagpupulong
na isinagawa mula ika-26 hanggang ika-28 ng Agosto sa Escaler Hall ng Ateneo de
Manila. Anim lamang sa sampung bansa sa Asean ang may kinatawan sa pagpupulong:
Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Laos at Pilipinas. Bernadette
A. Pamintuan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.