Kampanya sa droga, naging katayan

0
1811

somnium“Huwag kang papatay.”

Ito ay isa sa mga pinakaluma at umiiral na kasunduan ng sangkatauhan ¬ ang bawat buhay ay mahalaga.

Ang mga nakaraang buwan ay nagbunyag ng isang pagsasawalang-bahala sa paniniwalang ito.

Ayon sa mga lathalain, umabot na sa mahigit 1,000 na tao ang namatay dahil sa extrajudicial killings.

Nahahati ngayon ang bansa sa dalawa dahil sa war on drugs na kampanya ni Presidente Duterte – ang mga kumukunsinti sa pagpaslang sa mga pinaniniwalaang drug users bilang isang paraan upang mapaalis o mabawasan ang mga gumagamit ng ilegal na droga at ang mga patuloy na naniniwala sa due process at sa mga karapatang-pantao para sa mga akusado.

Kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay ay ang pagkabahala ng ibang bansa sa mga nangyayari sa Filipinas – matapos ang pag-insulto ni Duterte kay Ambassador Goldberg, ang Estados Unidos ay naglabas na ng pahayag na inananyayahan ang kasalukuyang administrasiyon na ituloy ang laban sa droga alinsunod sa mga karapatang-pantao na obligasiyon nitong ipatupad.

Kamakailan lamang, ilang mga mag-aaral ng Unibersidad ang sumali sa isang Day of Action na pinangunahan ng Anakbayan noong Agosto 11 bilang isang protesta sa itinuturing na isang malamig at hindi makatarungang kilos sa anti-drug campaign, isang kampanyang nakatutok sa mas mga mahihirap na kalahok sa kalakalan ng droga.

Ang #Cardboardjustice campaign ay sinimulan nina Adrienne Onday at Hope Swann, dalawang estudyante ng De La Salle University. Dito ay gumawa sila ng karatula kung saan nakasulat ang mga salitang “lahat tayo ay drug pusher” at suot ito habang papasok sa paaralan. Hinarap ng kampanya ang pangunahing problema ng extrajudicial killings: na ang lahat ay maaring maging biktima.

Hindi dapat nagiging dahilan ang edad ng isang tao para balewalain ang kanilang ipinaglalaban. Ang kolehiyo ay isang lugar na nagkakamuwang ang kabataan ukol sa mga nangyari at nangyayari sa ating bansa.

Karamihan sa kabataan ngayon ay hindi sumasang-ayon sa madugong pamamalakad ng war on drugs at kahit na binabalewala ng ibang tao ang mga ito bilang resulta ng sobrang liberalismo at iniisip na pampasikat lamang ang habol ng mga kabataan ay patuloy pa rin ang panawagan ng kabataan na itigil ang mga pagpaslang sa mga akusado at sa paglaban para sa karapatang-pantao.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.