UST Spikers pasok sa Final Four ng beach volleyball

0
347

31 Agosto 2014, 4:46 p.m. – BIYAHENG finals ang UST Lady Spikers, habang pasok naman sa Final Four ang Tiger Spikers matapos ang kanilang magkahiwalay na bakbakan sa pagtatapos ng elimination round ng UAAP Season 77 beach volleyball tournament sa University of the East-Caloocan, Linggo.

Naungusan ng Lady Spikers ang defending champion Adamson University sa isang dikdikang 21-13, 17-21, 16-14 na laban upang masungkit ang outright finals berth at thrice-to-beat advantage matapos magtala ng malinis na 7-0 kartada.

Bago nakamit nina Lady Spikers Cherry Rondina at Rica Rivera at kanilang ika-pitong sunod na panalo, pinahirapan muna sila ng tambalang Amanda Villanueva at Marlene Cortel ng Adamson sa kanilang finals rematch mula noong Season 76.

Naunang nakalayo ang Lady Falcons sa ikatlong yugto sa tulong ng sunud-sunod na atake ni Villanueva, 6-9.

Ngunit hindi nagpatinag ang dalawang super rookies ng UST at hinabol ang kalamangan ng Adamson hanggang sa maitabla nila ang laban, 13-all, sa likod ng block ni Rivera.

Naunang makarating sa match point ang Lady Falcons, 13-14, bago tumirada si Rondina ng isang down-the-line hit para muling itabla ang laban, 14-all.

Sinuwerte ang Lady Spikers matapos ang error ni Cortel para makuha ang kalamangan at tuluyang ibulsa ang panalo para sa UST matapos ang isang drop shot ni Rondina, 16-14.

Hanga si UST head coach Emil Lontoc sa ipinamalas ng kaniyang mga rookies at sinabing may pusong beterano na ang tambalang Rivera at Rondina kahit unang sabak pa lang nila sa UAAP.

“Kahit rookies sila, nandoon ‘yung tibay ng loob nila. Hindi sila nagpasindak,” ani Lontoc.

Naunang umarangkada ang UST sa first set, 21-13, gamit ang epektibong opensa ngunit agad namang nakabawi ang Adamson sa ikalawang set sa likod ng mga service ace ni Cortel. Ito ang unang pagkakataon na natalo ang Lady Spikers sa isang set.

Samantala, bigo naman ang Tiger Spikers na agarang makapasok sa finals matapos silang pataubin ng National University sa kanilang finals rematch, 18-21, 17-21.

Napatid ang six-game winning streak ng UST ngunit tangan pa rin nito ang unang puwesto papasok sa Final Four sa likod ng 6-1 na kartada.

Sa pagsisimula ng ikalawang set, lumamang ang Tiger Spikers matapos magpakawala ng sariling 5-0 run si Mark Alfafara gamit ang tatlong blocks. Ngunit hindi nagpasindak ang defending champion Bulldogs at ibinaba ang lamang sa isa, 5-4.

Dikit ang naging bakbakan bago ang magkasunod na atake ni Edwin Tolentino ng NU na nagbigay ng 19-15 na abante para sa Bulldogs.

Sinubukan pang paabutin ng UST sa ikatlong set ang laro pero hindi na pinatagal ni Joseph Henry Pipay ng NU ang laban at ibinaon ang isang matalim sa spike para ibigay sa Tiger Spikers ang una nilang talo, 17-21.

Ayon

kay Lontoc, bumaba ang lebel ng laro ng Tiger Spikers nang matikman nila ang matinding depensa ng NU.

Sa kabila nito, tangan ng tambalang Alfafara at Kris Guzman ang twice-to-beat advantage sa Final Four kontra Far Eastern University na magsisimula sa Huwebes, Setyembre 4.

Maghihintay naman ng makakalaban ang Lady Spikers at aalamin pa kung sino sa Adamson, NU at FEU ang makakalusot sa step-ladder semi-finals sa women’s division. A P. Abello

LEAVE A REPLY