SA NAKALIPAS na mga taon, hinangaan ang UST Symphony Orchestra na binububo ng mga mag-aaral ng UST Conservatory of Music sa kanilang mga pagtatanghal sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nitong Agosto 5, muli silang naghatid ng musika sa pamamagitan ng isang konsiyerto sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Itinampok rito ang mga komposisyon nina Wolfgang Amadeus Mozart, Peter Ilytch Tchaikovsky, Giacomo Puccini, Sergei Prokofief, Modest Mussorgsky, at Max Bruch.

Sa kumpas ng konduktor na si Prop. Renato Lucas, nagbukas ang pagtatanghal sa pamamagitan ng isang symphonic suite na kinatha ng Rusong kompositor na si Prokofiev.

Kuwento ng pagkakamali ni Csar Nicholas I sa pagbasa ng isang liham ang piyesa. Sa halip na “ngunit ang mga tinyente” (Poruchiki zheh), binasa niya itong “Tinyente Kizheh” (Pruchik Kizheh). Walang naglakas-loob na itama ang hari kaya’t nang nagtanong ito tungkol sa tinyente, napilitan silang mag-imbento ng mga detalye.

Nagtapos ang kuwento ng kagitingan at katapangan ng gawa-gawang tinyente sa kanyang libing. Naging masaya, sa halip na puno ng pagdadalamhati ang himig.

Sa unang bahagi pa lamang ng pagtatanghal, maaaninag na ang maningning na kalidad ng pag-tugtog.

Sabay-sabay at naaayon sa bawat kumpas ng baston ni Lucas ang lahat. Kitang-kita ito lalo na sa kilos ng kamay ng mga biyolinista.

Nagpakitang-gilas naman ni Prop. Jose Randy Gilongo sa kanyang pag-awit sa sumunod na bahagi. Kasabay ng orkestra, inawit niya ang Per Pieta, Non Rocircate, Eugene Onegin, at Tosca.

Sa pagkakataong ito, kalungkutan ang temang nangingibabaw at madamdaming kuwento tungkol sa kabiguan sa pag-ibig ang mahusay inawit ni Gilongo. Magkaakibat ang buong orkestra at si Gilongo sa pagbuo ng isang kahanga-hangang pagtatanghal. Nakatanggap ng masigabong palakpakan at papuri si Gilongo matapos umawit.

READ
Upgrading the soul

Ang sumunod na bahagi ng programa ay ang Night on Bald Mountain ni Moussorgsky. Tungkol sa isang ritwal na isinasagawa sa kabundukan ng Bald sa Rusya. Bahagi ito ng pelikulang Fantasia ng Walt Disney Pictures kaya pamilyar rito ang ibang manonood.

Sa huling bahagi ng konsiyerto, nagtanghal sina Prop. Reynaldo Reyes at Dorothy Uyboco-Uytengsu. Pinamagatang Concerto for Two Pianos and Orchestra, OP 88A na sinulat ni Bruch, ipinasadya ang piyesa para sa orkestra kasabay ang dalawang piano.

Iba ang tema at tono sa bahaging ito. Salitan ang masaya at malungkot na tugtog.

Punung-puno ito ng emosyon at bagay lamang na magsilbing kasukdulan ng konsiyerto. Mapapansin na sa bahaging ito ang kahusayan ng lahat ng miyembro ng orkestra. Makikita rin ng lahat ang buong pusong pagtatanghal ng mga musikero. Nagkakaisa sa pag-antig sa mga manonood ang dalawang piyanista sa pamamagitan ng tunog na dala ng bawat galaw ng kanilang mga daliri sa tiklado. Hindi rin maisasantabi ang kahuyasan ni Lucas sa pagkumpas na siyang susi sa maayos na pagtatanghal.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.