KUNG minsan, nakalulunod ang magmuni sa malawak na papel ng guni-guni. At tila wala talagang patawad ang Musa kung pinipili man nitong magbakasyon mula bokasyong ginagalawan ng manunulat. Hindi na tuloy alam ng manunulat kung saan huhugot ng kahit kulot na salita upang punan ang kalawakan, hanggang sa ang papel ay maging kagampang tula o kuwentong nagmumula sa kaibuturan ng paglikha. Ano bang uri ng pagdarasal sa Musa ang dapat na gawin? May nobena bang mabisa upang mapabalik ang nagtatagong irog sa paglikha?

***

Sa gitna ng mga kaguluhan kinasasangkutan ng administrasyon ng Unibersidad, at ng Samahang Manggagawa ng UST (SM-UST), mayroon kaming napatunayan sa Varsitarian—na una, may ilang naninira sa aming kredebilidad at pagiging patas, at ikalawa, narito na naman ang ilang mga pangkat na tila “sumasakay” sa isyu.

***

Kamakailan, matapos nang isang panayam kay Bro. Arturo Sangalang ng SM-UST tungkol sa nalalapit na pagwewelga ng kanilang mga kasapi, nabanggit sa akin ni Ma. Lynda Corpuz, ang patnugot sa Special Reports ng Varsitarian, na lumabas sa kanilang pag-uusap na mayroon umanong mga pangkat na walang-tiwala sa pamamahayag ng pahagayan. Anila, huwag na umanong asahan ang Varsitarian sapagkat tiyak na kikilingan nito ang administrasyon. Ang masipag na patnugot ay nagngingitngit na naglabas ng sama ng loob. Tumanggi naman umanong ibigay ni Sangalang ang pangalan ng pangkat na ito.

Makasasama man ng loob ngunit hindi namin maikukubli ang sakit na aming nadama sa tuwing mapag-uusapan ang isyung ito. Matapos nang mga paghihirap na kailangang daanin ng aming mga kawani at reporter, lalo na sa pagdinig sa mga panig at pagpupuyat upang makapaglathala ng balanseng ulat tungkol sa mga pangyayari, ganito pa ang isinusukli sa amin.

READ
Falsetto

Unang-una, matindi ang pagsasala namin sa balita. Hindi kami nag-uulat ng walang malalim na pagkaunawa sa mga isyung kinakalap. Higit sa lahat, pantay ang aming pagbibigay-pananaw, sa pamamagitan ng paglalahad ng bawat panig. Marahil, maari itong patunayan, di lamang ng pamunuan ng UST, maging ng UST Faculty Union na matagal ding binagabag ng kanilang di mapagkasunduang Collective Bargaining Agreement, at matagal ding sinundan ng Varsitarian.

At kung kinikilingan talaga namin ang pamunuan, dapat sana’y taos na sinuportahan namin ang pagtaas sa matrikula sa loob ng tatlong taon. Saksi namin ang aming mga ginigiliw na mambabasa, at ang ilang mga pangkat dito sa Unibersidad na lumalaban upang pigilan ang panibagong pabigat na ito.

Ang totoo’y wala kaming kinikilingan. Ang amin lamang ay ang kabutihan ng nakararami. Kung saan mas makabubuti ay doon kami. Ngunit hindi kami kaagad-agad pumapanig. Amin munang ipinapakita, sa pamamagitan ng aming pag-uulat, ang lahat ng usapin. At ang huhusga sa huli ay ang mga mambabasang Tomasino. Kaya’t sa huli’y ang palagay ng Tomasino ang aming nagiging palagay—sapagkat ito naman talaga dapat ang maging palagay ng mga mamamahayag. Ang tunay naming dapat kampihan ay hindi ang kung sino man, kundi ang Tomasinong mambabasa na aming pinaglilingkuran.

Hinahamon ko ang mga pangkat na itong nagtatago at kung manaksak ng matalim ay sa dilim. Kung sino man sa inyo ang makapagpapatunay na kami’y may kinikilingan, itaga ninyo sa bato— magpapapayat ako.

***

At ang mga sumasakay naman. Papaano nga bang malalaman ang tibay ng pagsuporta sa isang pagkilos?

Balikan ang mga isyung sinuportahan—nasaan na ang mga isyu? Ano na ang lagay ng mga ito? Anu-ano na nga bang mga isyu ang kanilang sinuportahan? Matrikula? Malayang pamamahayag? ROTC? Higit sa lahat, pinag-uusapan pa ba ang mga ito?

READ
Rare metal useful in cancer diagnosis, experts say

Ito ang mga sukatang nabuo sa aking isip nang ikuwento sa akin ni Lynda ang kanyang panayam noong isang taon sa isang opisyal ng Unibersidad ng Pilipinas—ang kanlungan ng aktibismo sa Kamaynilaan. Aniya, sa pagdaan ng mga panahon, ang mga pangkat na tulad ng mga ito ay kumakagat sa mga maiinit na isyu’t madali ring lumilipat sa panibagong mga usapin kung tila nalalaos na ang kanilang mga binibigyang-simpatya. At ang nangyayari—kadalasan—natatabunan na ang isyu. Nakalilimutan.

Tulad ng mga nagdaang isyu sa Unibersidad, kahangahanga naman talaga ang buong pagsuporta ng mga “militanteng” pangkat. Nananatili silang palaban upang ipagbigay-alam sa lahat ang “tinig” ng mga “naaapi.”

Biglang-bigla, mukhang bago na namang ang usaping ito sa SM-UST para sa mga pangkat. Hindi kaya nahihirapan ang mga ito sa dami ng mga kontrobersyang kanilang sinusunggaban taun-taon? Parang lahat na lamang yata kanila nang nilahukan.

May pabaon akong hamon sa mga pangkat na ito—unawain ninyong maigi ang mga isyu, at pag-aralang lahat ang mga detalye. Magmasid kayo. Magsaliksik. Makipanayam.

Ipakita ninyo rin sa madla kung saan ninyo kinukuha ang inyong mga detalye at pagkukuwenta nang magkaunawaan tayong lahat. Napakadali naman sigurong sagutin ng mga bagay na iyan.

***

Patas ito. Walang kinikilingan. Ang masaktan, may kasalanan.

***

Totoo nga kayang pinakamatalim sa lahat ang panulat ng makata?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.