BUKOD kay Dado Lumibao na lumikha ng full-length film na In Da Red Korner, dalawa pang alumni ng Faculty of Arts and Letters ang nagpamalas ng angking talino sa katatapos na Cinemalaya Independent Film Festival para sa kategorya ng maikling pelikula.

Tinanghal bilang Pinakamahusay na Maikling Pelikula ang Orasyon ni Communication Arts alumnus Rommel “Milo” Tolentino. Tungkol ito sa isang makabagong parabula ng matandang relihiyosang si Lola Amparing (Federica Figanan) na gumulo ang mundo nang dumating ang pakialamerang katulong na si Lucing (Gloria Bautista). Ang sigalot na ito sa pagitan ng dalawa ang naghudyat ng mga pansariling kabiguan, mga panalanging hindi dininig, at ang pagsingaw ng isang pinakatatagong lihim.

Sa unang tingin, tila Gabi ng Lagim ang dating ng pelikula dulot ng lokasyon sa isang antigong bahay at ang hindi paggamit ng kulay. Dagdag pa rito ang mga pinalakas na tunog ng orasan at langitngit ng pinto. Gayumpaman, nailahad ng pelikula sa maikling panahon na walang lihim na hindi nabubunyag.

Inuwi ni Tolentino ang P100,000 premyo mula sa National Center for Culture and the Arts, P25,000 naman mula sa Solar Entertainment, at ang Tropeo ng Balanghai. Bukod pa sa Orasyon, natapos na rin ni Tolentino ang maikling pelikulang Apak, na kanyang ilalahok sa kauna-unahang Cinemanila-Southeast Asian Film Workshop/Festival ngayong taon.

Samantala, kalahok din sa kompetisyon ang 10:25 ng Gabi ni Reggie Gulle, isa ring Communication Arts alumnus ng UST. Katuwang na patnugot siya ngayon sa mga feature films ng Regal Entertainment, Star Cinema, at GMA Films. Sinusundan ng pelikula ang isang malagim na engkwentro ng isang mag-ina at dalawang magbarkada sa isang kalye pagpatak ng 10:25 ng gabi.

READ
Araling etika, binigyang diin ng Rektor

Sa kwento, napilitang kumapit sa patalim ang magbarkadang Des (Tomasinong Communication Arts alumna Bombi Plata) at Julius (Ronald Tupas) sa paghahanap ng mapakakakitaan habang ipinakilala naman ng mayamang estudyanteng si Troy (Kris Lacaba) sa kanyang ina (guro ng Arts Appreciation sa Arts and Letters Aurora Yumul) ang kasintahang si Nona (Tin-Tin Suayan). Hindi naging maayos ang pagpapakilala at nagresulta ito sa isang matinding away sa loob ng kotse. Sa kanilang pagbagtas sa daan, sinalubong sila ng magbarkadang Des at Julius na nauwi sa isang malagim na trahedya.

Mula 1996 hanggang 2005, nagtrabaho si Gulle bilang patnugot ng Road Runner Network Inc. Nagsulat na rin siya sa pahayagang Manila Standard noong 1996. Sa ngayon, katuwang na patnugot si Gulle ng Regal Entertainment, Star Cinema at GMA Films. Andrew Isiah P. Bonifacio

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.