KULTURA, karanasan at katangian ng makabagong Pilipino. Ito ang tema ng mga pelikulang kalahok sa ikalawang Cinemalaya Independent Film Festival na idinaos noong Hulyo 17 hanggang 23 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Sinimulan noong 2005, nakilala ang Cinemalaya sa pagpapalabas ng mga de-kalibreng pelikulang tumatalakay sa mga isyu at temang hindi pangkaraniwan. Dalawa sa mga pelikulang produkto ng Cinemalaya na kinilala ng iba’t ibang gawad parangal sa ibang bansa ang Kubrador at Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros.

Sa taong ito, may magkahiwalay na kategorya ang Cinemalaya para sa mahaba at maikling pelikula. Walong full-length films mula sa lampas 40 na scripts ang piniling maging finalists.

Tulad ng Dati: Pagsibol ng takip-silim

Isang biodrama sa direksyon ni Michael Sandejas, ang sa Tulad ng Dati ay tungkol sa pagtanda ng bokalista ng bandang The Dawn na si Jett Pangan. Marahil dala na rin ng kanyang pagtanda, nawalan na ng gana si Jett sa kanyang buhay at musika. Ngunit isang palo sa ulo mula sa isang magnanakaw ang biglang nagpaiba sa mundo ni Jett. Nagising na lamang siya sa pagaakalang nasa taong 1988 siyang muli, ang taong pinatay ang lider ng kanilang banda na si Teddy Diaz (Ping Medina).

Gumamit ang Tulad ng Dati ng estilong gothic o ang paggamit ng mga pangyayaring may halong kababalaghan. Sa paglalahad ng kuwento sa limbo ng isipan ni Jett, nagbigay si Teddy ng paalala sa mga bagay na maaaring nalimutan na ng kanyang kaibigan.

Malaking bagay ang naitulong ng musika ng The Dawn sa pelikula. Nagpasok si Sandejas ng mga eksena mula sa mga dating pagtatanghal ng banda na nagdala ng mga masasayang alaala para sa mga manonood.

Inuwi ng Tulad ng Dati ang gantimpala para sa Pinakamahusay na Mahabang Pelikula at ang premyong P250,000, kasama ang Tropeyo ng Balanghai. Bukod pa rito, nakuha rin nito ang mga gantimpala para sa Pinakamahusay na Paglalapat ng Tunog ni Ronald De Asis at Pinakamahusay na Editing ni Mikael Pestano.

Donsol: Pag-ibig sa ilalim ng tubig

Isang natatanging kwento tungkol sa pagmamahal ang pelikulang Donsol ni Adolfo Alix, Jr. Kinunan sa Donsol, Sorsogon na tinaguriang “whaleshark capital of the world,” umikot ang istorya sa hindi inaasahang pagkikita at pagkagustuhan nina Daniel (Sid Lucero), isang whaleshark guide, at Teresa (Angel Aquino), isang turistang taga-Maynila. Sandali lamang silang nagsama, ngunit kahit sa maikling panahon, nalampasan nila ang pagkawala ng dating minamahal at natutunan nilang magkaroon ng lakas ng loob na magmahal muli.

Inihalintulad ng Donsol ang hiwaga ng pag-ibig sa mga butanding ng Donsol, na kusang magbabalik kahit umalis at magpaalam.

Nanalo bilang Pinakamahusay na Aktres si Aquino para sa epektibo niyang pagganap bilang Teresa. Nakabibilib din ang mahusay na paggamit ng kamera sa ilalim ng dagat ng Donsol, lalo na habang kasama ang mga butanding na minsan lamang dumaan sa lugar.

READ
Limbagan ng kasaysayan

In Da Red Korner: Kamao ni Eba

Likha ng Tomasinong Journalism alumnus na si Dado Lumibao, ipinakita sa In Da Red Korner ang buhay at paghihirap ng isang babaeng boksingero.

Tatlong araw bago ang Boxing National Open, haharapin ni Doring (Merryl Soriano) ang maraming pagsubok: ang pagkuha ng tamang timbang, pagtitiis sa dysmenorrhea at paglutas sa nabubuong tensyon sa pagitan niya at ng ibang mga kasamang boksingero. Subalit haharapin pa lamang ni Doring ang pinakamasakit na suntok: ang kabiguan.

Maganda ang lohika ng kwento ng In Da Red Korner, isama pa rito ang magaling na pagganap ni Soriano bilang determinadong si Doring. Gayunpaman, may mga kakulangan pa sa nilalaman ng kuwento. May ibang mga eksena sa pelikula na masyadong nabigyan ng diin, gaya ng matagal na paghahanap ni Doring ng sanitary napkin.

Saan Nagtatago Si Happiness?: Isang masayang paghahanap

Isang musical na nilikha nina Florida M. Bautista at Real Florido, pinakita ng Saan Nagtatago Si Happiness? ang kwento ni Tikyo (Andy Bais), isang 50-taong gulang na sorbetero, at ang paghahanap niya sa kanyang ina. Ngunit nang makilala ni Tikyo si Sara (January Isaac) kakailanganin niyang mamili kung alin ang uunahin niya: ang panliligaw sa dalagang minsan lang dumating sa buhay niya, o ang paghahanap sa inang kailanma’y hindi nakilala. Mahanap na kaya ni Tikyo ang inaasam niyang kaligayahan sa desisyong pipiliin?

Pinaghalo ng pelikula ang mga eksenang kantahan at katatawanan, dahil likas sa mga Pilipino ang pagkahilig dito. Sinasalamin nito ang pananaw natin sa buhay na walang kasiyahan na hindi mahahaluan ng kalungkutan, ngunit wala ring kalungkutan na makatatalo sa kasiyahan.

Rotonda: Buhay sa salapi

Mula sa direksiyon at panulat ni Ron Bryant, umikot ang kwento ng Rotonda sa isang P1,000 salaping papel at ang buhay ng mga sari-saring taong humawak nito sa buong maghapon.

Kinunan ang pelikula sa masikip at mataong lugar ng Pasay Rotonda. Nagmula ang pera sa isang tabloid reporter na nagtangkang magpakamatay sa isang motel. Nagpasa-pasa ang pera sa isang babaeng nagbebenta ng aliw, drug pusher, pulis, dalagang naglayas, at masokista. Sa isang hindi inaasahang pangyayari, muling nakuha ng reporter ang pera sa isang crime scene.

Nakadagdag sa ganda ng pelikula ang “real-time” na estilo. Nagsimula ang Rotonda sa madaling-araw at nagtapos sa susunod na umaga. Kapansin-pansin din ang kawalan ng romantisismo sa istorya at solusyon sa ilang nakabinbing problema. Ngunit naging epektibo ang paggamit ng mga problemang ito upang bigyan ng koneksyon ang mga tauhan.

Bumagay naman ang paglalaro ng cinematographer na si Jun Aves sa mga kulay at iba pang treatment sa mood ng kuwento. Kahanga-hanga rin ang mga long shot na ginamit upang ilarawan ang kasikipan at kaguluhan ng Pasay Rotonda.

READ
Automaton shuts down

Mabisa rin ang pagkaka-edit ng pelikula na pinaghusay ni Hernani Hona Jr. na nagkamit rin ng parangal bilang Pinakamahusay na Editor.

Mudraks: Desperadang maybahay

Isang silip lamang sa diary ng kanyang anak ang kinailangan ng isang ina upang tuluyang gumuho ang mistulang pabagsak na niyang mundo. Ang mapangahas na hakbang na ito ng isang maybahay ang nagpapa-ikot sa kuwento ng Mudraks, sa panulat at direksyon ni Arah Jell Badayos kasama si Margaret Guzman.

Umiinog ang tema ng pelikula sa tahanan at katauhan ni Margaret Fernando (Rio Locsin), isang bisayang ina na walang hinangad kundi ang mapaligaya ang tatlong mahal sa buhay. Sa kabila nito, sama ng loob ang ibinalik ng kanyang asawang si David (Ricky Davao), ng bunsong si Laurence (Miguel Javier), at dalagang anak na si Pippa (Roxanne Barcelo). Tahimik na dinamdam ni Margaret ang lahat ng mga ito at sa halip, sa mga gawaing bahay niya ibinaling ang kanyang mga problema.

Ngunit nang hindi na niya makaya ang kalagayan, naisipan niyang makialam ng mga gamit ng asawa at mga anak, kasama na ang diary ni Pippa.

Angkop ang pagsasalaysay ni Pippa ng mga nilalaman ng kanyang diary sa simula ng pelikula. Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga manonood na magkaroon ng opinyon at emosyon sa katauhan ni Margaret na siyang laman ng bawat pangungusap ni Pippa.

Ang Huling Araw ng Linggo: Pitong kwento ng pag-asa

Kung minsan, nagkakaroon ang mga pangyayari ng kaugnayan, katulad na lamang ng pitong tauhan at kwentong hinabi ng manunulat at direktor na si Nick Olanka sa kanyang obrang Ang Huling Araw ng Linggo.

Sa pelikulang ito, binigyan ng sari-sariling araw sa loob ng isang linggo ang bawat tauhan upang maipakita ang kani-kaniyang kuwento. Ang pagharap ni Domeng (Johnny Delgado) sa kanyang nakaraan ang kuwento sa araw ng Linggo, habang dalamhati naman ni Luna (Jennifer Sevilla) sa pag-iwan sa kanya ng asawang si Ruben (Rodel Velayo) ang isinalaysay noong Lunes. Ang pagkalito at pagkabigo ni Maritess (Boots Anson-Roa) ang ibinahaging istorya nang Martes, samantalang ang tagumpay naman ni Kulas (Arnold Reyes) sa trabaho at pag-ibig ang inilahad nang Miyerkules. Huwebes, ipinakita naman ang kabaliwan at ilusyon sa pagmamahal ng kaserang si Julie (Angeli Bayani). Biyernes ng isinunod ang mapangahas na balak ni Bryan (Baron Geisler) patungo sa pagkamit ng inaasam na pangarap. Ang dahas at galit naman ni Sally (Monica Llamas) noong Sabado sa isang malaking kalokohan na sumira ng kanyang buhay ang nagdugtong sa hindi inaasahang pagtatapos ng pelikula sa araw ng Linggo.

READ
Surviving a libel suit

Naipakita ng pelikula ang kahalagahan ng paniniwala sa sarili at pag-asang makaahon sa problema gaano man ito kabigat.

Batad sa Paang Palay: Ligaya sa lupang tinubuan

Sinong mag-aakalang ipagpapalit ng isang 14-taong gulang na Ifugao ang hagdang-hagdang palayan ng Batad, Banaue para sa isang pares ng sapatos?

Hatid ng pelikulang Batad sa Paang Palay ni Benji Garcia at Vic Acedillo Jr. ang kuwento ni Ag-ap (Alchris Galura), isang batang Batad na nairaraos ang buong maghapon sa pamamagitan ng pagbebenta ng ani sa kabayanan, habang nangangarap na makarating sa lungsod suot ang inaasam-asam na rubber shoes. Sa tindi ng kanyang pagkagusto na makamit ang mga pangarap, sinubukan niya ang lahat ng uri ng trabaho sa Batad mula sa pagiging tour guide sa kabundukan hanggang sa pagpapakuha ng litrato kasama ang mga turista habang nakabahag. Ngunit sa kabila ng kanyang tagumpay matapos mabigyan ng sapatos ng isang turista, naging balakid ang katuparan ng pangarap sa pananatili ng kanyang pagkilanlan sa sariling kinalakihan.

Mahusay na nagampanan ni Galura ang karakter ng isang masayahing batang Batad na sanay sa isang kahig, isang tukang pamumuhay. Ginawaran siya ng Cinemalaya bilang Pinakamahusay na Aktor.

Bagaman malaking hamon ang lumikha ng isang pelikulang Indie sa kabundukan ng Banaue, naihatid ng mahusay na paglalapat ng potograpiya ni Ruben Hamahiga Dela Cruz ang tanawin ng Banaue Rice Terraces, tulad ng mga kuha sa mga pilapil ng palayan habang pasikat ang araw.

Isa ring magandang elemento ng pelikula ng tunog at musika nina Sr. Belinda Salazar, Mark Locsin, at Herbert Relagio. Maririnig ang pag-ihip ng pluta ng mga katutubong Ifugao at mas pinahusay ang dating ng mga tunog ng kalikasan tulad ng huni ng mga ibon at lagaslas ng tubig.

Ipinahihiwatig ng pelikula sa mga manonood ang pagkapanatag at pagkakuntento sa mga simpleng biyayang handog ng Maykapal dahil sa mga munting bagay na ito makakakuha ng kagalakan.

Nakamit ng Batad Sa Paang Palay ang Natatanging Pagkilala ng Inampalan. Kasama pa nito ang mga gantimpala para sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula ni Vic Acedillo Jr. at Pinakamahusay na Disenyong Pamproduksyon ni Aped Santos at Noel “Lola” Navarro.

Maituturing na isang malaking tagumpay ang Cinemalaya 2006. Nagbunga ang matiyagang paghahanda at matalinong pangangasiwa nina Antonio Cojuangco, Nestor Jardin, Nicanor Tiongson, at Laurice Guillen.

“Dahil sa dedikasyon at pagpapakatotoo ng mga direktor, nakalikha ang mga kalahok ng mga kwentong sariwa at nakaeengganyo sa mga Pilipino,” ani Guillien. “Ito ang marka ng isang Cinemalayang pelikula, na maaaring makapagbigay ng pag-asa sa naghihingalong industriya ng pinilakang tabing.”

Muling ipapalabas ang mga pelikulang kalahok Agosto 7 hanggang 11 sa Institusyong Pampelikula ng Unibersidad ng Pilipinas.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.