HIGIT pa sa pagiging pambungad-pagtatanghal ng kanilang ika-35 taon ngayong Agosto ang “BP on Pointe” ng Ballet Philippines (BP) na nagpatunay ng lawak ng kakayahan nila bilang resident dance group ng Cultural Center of the Philipines, tagumpay rin nilang naiakyat ang classical ballet sa mas mataas na antas.

Lubos na ikinatuwa ng mga manonood ang mga lokal na kaugalian at sayaw sa full-length production ng “Ang Pilya,” pinaikling bersiyon ng “La Fille Mal Gardee” (The Naughty Daughter) at unang sumikat sa London noong 1791, na itinanghal muli ni Noordin Jumalon, associate artistic director ng BP sa saliw ng musika nina Ferdinand Herold at Ludwig Hertel.

Isa sa mga paboritong bahagi ng pagtatanghal ang nakatutuwang clog dance ni Mama Simeona (guest artist Anatoly Panasyukov) habang sumasayaw ng “Maglalatik” ang ilan sa mga kalalakihan. Ikinagalak din ng mga manonood ang Katolikong prusisyon, Kiping, Pabitin, Pahiyas, at bamboo pole carousel, na bahagi ng kultura ng bansa.

Umikot ang kuwento sa pilyang si Lisa (Kris-Belle Paclibar) na pilit ipinakakasal ng kanyang biyudang social climber na ina na si Mama Simeona kay Alan (Ruben de Dios), ang tanging anak ng mayamang si Don Tomas (Noordin Jumalon) na mahilig maghabol ng mga paru-paro at medyo may pagkukulang sa pag-iisip.

Subalit lihim nang mahal ni Lisa ang pobreng si Kulas (Clark Rambuyon), at mas gusto naman ni Alan ang nakababatang pinsan ni Lisa na si Ramona (Razel Estrella). Sa huli, nagkaroon pa rin ng tatlong pares ng bagong kasal: si Lisa at Kulas, Alan at Ramona, at ang ikinagulat ng lahat na sina Mama Simeona at Don Tomas.

READ
Tuition 'slightly lower' than usual

Pinagbidahan nina Mica Bernas, Irish Abejero, at Mikaela Padilla ang ilan sa mga pagtanghal.

Ayon kay Ida Beltran-Lucila, executive director ng BP, unang itinanghal ng grupo ang “Ang Pilya” noong 1980s sa kasaganahan ng ideyang “Filipinoness” dahil katatapos pa lamang noon ng unang People Power.

Nilikha ang sayaw para sa BP ng dati nilang resident artist na si William Morgan, pinuno na ngayon ng Bangkok Ballet Theater.

Halos malunod naman sa palakpak ang ilang bahagi ng divertissement ng “BP on Pointe,” tulad ng world premiere ng “Accidental Swans” ni BP Acting Artistic Director Alden Lugnasin.

Nabigyan nina Rambuyon at Paclibar ng akmang enerhiya at mala-swan na extensions ang kakaiba at kontemporaryong pas de deux (sayaw para sa dalawa) sa musika ni Peter Ilich Tchaikovsky.

Isang paa lamang ni Paclibar ang may suot ng pointe shoes—isa sa mga magagandang inobasyong ginamit sa pagtatanghal.

Samantala, tiyak na ikinatuwa ng mga hard-core na feminista ang makabagong “Je Tu Elle” (I, You, She) ni Redha Benteifour, saliw sa musika ni Vangelis.

Sa pamamagitan ng kanilang senswal, brusko, at mayayabang na mga galaw—gamit ang kanilang itim na pointe shoes, fishnet stockings, at “matitipid” na kasuotan—binigyang diin nina Verna Fajilan, Hanedy Sala, Carissa Adea, Candice Adea, at Samantha Aviñante na ang mga kababaihan ang mas angat na kasarian bagaman mahinhin sa unang tingin.

Sa mga ginamit ng BP sa produksyon, pinakamatandang piyesa naman ang neo-classic na “Bach Concerto” na nilikha pa noong 1740.

Sa choreography ni William Carter at musika ni Johann Sebastian Bach, nagpakitang gilas sa symmetry sina Abajero, Bernas, Rhea Dumdum, at ang magkapatid na Adea habang isa-isa silang sumasayaw nang palihis.

READ
Uubra ba ang bagong Gen Ed Department

Mula naman sa isang bahagi ng “La Bayadere” ni Marius Petipa ang naiibang “Bronze Idol” na pasalit na ginampanan nina De Dios at Rambuyan, kung saan dumanas ng hallucination ang isa sa mga punong tauhan at nakitang pawang nabuhay ang mga estatwang pilak.

Sa magandang pagtatanghal ng “BP on Pointe,” maituturing itong sulyap sa iba pang mga dekalidad na presentasyon ng BP tulad ng “BP goes Global” sa Oktubre na ayon kay Beltran-Lucila, natatanging produksyong ito ay na magpapakita ng mga modern ballet productions ng BP na nilikha para sa international stage. Elka Krystle R. Requinta

Para sa karagdagang detalye ng nalalapit na pagtatanghal, tumawag sa opisina ng BP sa 551-1003 at 832-6011, o sa kanilang website, www.ballet.com.ph.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.