HINDI kailanman maikukubli ang mga malikhaing kamay.

Pinatunayan ito ni Janos Buenaflor Dela Cruz nang makamit niya ang unang gantimpala sa Open Fine Print Competition ng Philippine Association of Printmakers para sa kanyang obra, “Mga Bulong sa Panaginip.”

Kasalukuyang nasa ikatlong taon ng kursong Advertising sa College of Fine Arts ng UST, kaagad nagpakita si Janos ng angking galing sa paglikha ng larawan sa pamamagitan ng lithograph sa unang beses na sinubukan niya ito. Sa katunayan, hindi niya inakalang magwawagi siya sa nasabing patimpalak na sinalihan ng mga propesyonal at baguhang dibuhista, at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan.

“Akala ko finalist lang ako. Para sa’kin kasi, okay na yung papel lang na nakasulat yung pangalan ko,” ani Janos.

Ayon sa kanya, inilalahad ng kanyang nanalong obra ang mga nararamdaman niya at ang mga nangyayari sa kanya habang ginagawa iyon. Sa unang tingin, makakakita ka ng maraming parisang masalimuot na nagpapaloob sa tatlong nakakabighaning mga mata.

“May sari-sariling kuwento ang bawat detalye n’yan,” aniya.

Sa pamamagitan ng mga maliliit na detalye, binibigyang diin ni Janos ang bawat sikot ng kanyang mga saloobin na tumutulong sa pagkakaroon ng isang buong tema tungkol sa kanyang sarili. Gumamit siya ng iba’t ibang guhit at sukat upang maisalarawan ang iba’t ibang emosyon.

Maituturing na isang ekspresyon ng buhay ang kanyang larawan. Pangunahing elemento ito na nakapagdala ng karangalan sa kanya. Subalit ayon kay Janos, hindi mahalaga ang karangalan at simple lamang ang layunin ng kanyang mga gawa.

“Ang gusto ko lang talaga, yung nagustuhan ko yung ginawa ko, at tapos nagustuhan din ng ibang tao,” pagtatapos niya. Anne Nerissa C. Alina

READ
Mechanical Eng'g to implement board exam review courses

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.