MAGMUKHA ka mang baliw sa salit-salitang kaiiyak at katatawa, hindi mo pa rin mapipigilan na magpadala sa iyong emosyon habang pinapanood ang I Not Stupid mula sa Singapore, na idinirek at isinulat ni Jack Neo.
Ang istorya nito ay nakapokus sa tatlong batang estudyante sa elementary na sina Kok Pin (Shawn Lee), Boon Hock (Joshua Ang), at Terry Khoo (Huang Po Ju), na nabibilang sa pinakamahinang pangkat sa kanilang baitang. Halos lahat ng gulong kinasasangkutan nila ay nagsisimula dahil sa parating pang-iinsulto ng mga estudyante na mula sa ibang pangkat. Pati ang mga magulang ng mga estudyanteng may matataas na marka ay nakikisali sa pangmamata sa kanila. Parati na lamang pinagdidiinan ang kanilang kahinaan sa mga pang-akademikong asignatura lalo na sa Ingles at Matematika.
Dumating sa puntong hindi na ninais pang umuwi sa kanilang bahay ni Kok Pin dahil sa takot na muling paluin ng kanyang ina, matapos makakuha na naman ng napakababang marka sa pagsusulit.
Makikita naman kay Boon Hock ang pagiging responsible at masikap. Mahirap lamang ang kanyang pamilya kaya’t kinakailangan pa niyang tumulong sa kanilang tindahan ng noodles habang nag-aaral. Siya rin ang tagapagtanggol ng kanyang mga kaibigan mula sa mga bully sa paaralan.
Laki naman sa layaw ang mayamang si Terry Khoo, na may inang gustong parati siya ang nasusunod at nagdedesisyon para sa kanya. Kaya naman hindi niya kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. Akalain ba namang sa edad niyang iyon ay hindi siya marunong ultimong pagpahid ng mantikilya sa tinapay pati magtimpla ng kape.
Sukdulan man sa mata ng lahat ang kanilang kahinaan ng utak, napatunayan pa rin nilang hindi sila tunay na mga tanga sapagkat ang pagiging matalino ay hindi lamang nasusukat sa kagalingan sa Ingles at Matematika. Naipakita ng tatlo ang kanilang kahusayan sa ibang larangan.
Napakarami pang kuwento sa ilalim ng mga kuwentong ito. Mga istoryang patungkol sa kanilang mga pamilya na talaga namang makabagdamdamin ngunit may halo pa ring napakaraming katatawanan.
Naging mahusay at talaga namang orihinal sa istilo ang mga kuha ng kamera sa pelikulang ito. Nabigyang pansin ang mga simple ngunit mahalagang mga detalye. Naging ordinaryo man ang pag-arte ng lahat ng mga artista ay nagkaroon pa rin ng dating dahilan sa malalalim na mensahe ng mga usapan.
Isang simple, masaya, malaman, at makabuluhang pelikula ang I Not Stupid na nagpakita ng mga karaniwang isyu tungkol sa edukasyon, kahalagahan ng wikang Intsik o ng kanilang native language, at ang obsesyon ng mga Singaporeans para sa kahusayan sa akademiko at degree.
Hindi man ito nagkaloob ng mga solusyon at kasagutan, hinimok naman nito ang mga manonood na tumingin mula sa ibang perspektibo. Halimbawa, isang Amerikano sa pelikula ang nagsasabing iisa lamang ang takbo ng isip ng mga taga-Singapore, at tiyak na hindi to mapapansin ng isang Singaporean dahil ito na ang nakasanayan niyang paraan ng pag-iisip.