Maliban sa pasalita at biswal na aspekto ng pelikulang naghahayag ng kalagayan ng masang Filipino, iginuguhit ng pelikulang Hubog ang tunay na hugis ng buhay ng mga mahihirap.
Sa direksiyon ni Joel Lamangan at panulat ni Roy Iglesias, salamin ng kahirapan ang buhay ng magkapatid na sina Vanessa at Nika, ginampanan nina Assunta at Alessandra de Rossi.
Sa pagkamatay ng kanilang ina (Jackie Castillejo), naiwan kay Vanessa ang pangangalaga sa kapatid na retarded. Naging sandalan niya ang kunwaring matulungin na si Uno (Jay Manalo), lalo nang masira ng bagyo ang kanilang bahay. Hindi nagtagal, nagsama sila nito, matapos maakit habang nakikituloy sa kanyang bahay.
Matapos matanggal sa pinapasukang tindahan, lalong umasa ang dalawa sa tulong ni Uno. At huli na nang malaman ni Vanessa ang ugaling pananakit ni Uno sa kanyang mga kinakasama, ang pagiging mamamatay-tao nito, at ang makailang ulit na pangmomolestiya ng ilang kakalakihan sa kanilang lugar sa kanyang kapatid kapalit ng laruan at hamburger.
Sa huli, nang tinangkang pagsamantalahan ni Uno ang nakababatang kapatid ni Vanessa, nanlaban ito dahilan upang mapatay niya ang mapang-abusong kinakasama.
Una nang napansin si Allesandra de Rossi sa pelikulang Azucena ni Carlos Siguion-Reyna kaya’t hindi nakapagtataka na manalo siya bilang Best Suporting Actress sa Metro Manila Film Festival dahil sa kanyang magaling na pagganap bilang isang retarded.
Gayundin, sinuklian ang mahusay na pagganap ni Assunta ng kanyang pagkapanalo ng Best Actress Award.
Si Wendell Ramos ang gumanap na Oliver, ang kasintahan ni Assunta na sa una’y walang tamang disposisyon sa buhay subalit nagbago sa huli. Sa pelikula, si Oliver (Wendell Ramos) sana ang mag-aahon at magliligtas sa magkapatid, subalit sa kasamaang palad, nanaig ang kasamaan ni Uno at napatay niya ito.
Sa maikiling papel bilang unang kinakasama ni Jay Manalo, kapansin-pansin din ang mahusay na pagganap ni Joanne Quintas.
Bagamat hindi gaanong lutang ang tunay na diwa ng pelikula, makikitang isang larawan ng madaling pagtitiwala ng mga mahihirap sa mga banyaga ang karakter ni Assunta. Samatala, salamin ng pagiging mangmang sa tunay na layunin ng mga taong pinagkakatiwalaan ang kay Alessandra.
Ipinapakita rin ng ibang mga karakter ng pelikula ang pagpapatay-malisya o kawalang-pansin. Masasabi na sa unang eksena pa lamang, pinakikinggan lamang o marahil hindi naririnig ng karakter nina Wendell at Assunta ang mga nagaganap sa paligid habang nagtatalik sa loob ng sasakyan.
Naging pangahas naman ang pelikula sa pagpapakita ng mga totoong pangyayri sa kasaysayan tulad ng EDSA II at III. Pundasyon ito upang ilahad ang mabigat na akusasyon—ang pagsamantala ng mga pulitiko sa mga mahihirap upang gamitin silang panangga para sa pansariling kapakanan.
Epektibong naihayag ng mga salita ang tunay na damdamin ng mga karakter na lalong pinatingkad ng kanilang mahusay ng pagganap. Sa pamamagitan ng mahusay na kuha ng mga eksena, halos nailabas ng malaking tanghalan ang tagpuan ng bawat eksena habang parang ipinapasok naman ang mga manonoood sa mga tagpong ito.
Napagtuonan man ng pansin ang sigalot na bunga ng hiwalay na estado ng buhay, pinatunayan ng pelikula na maipapakita itong maganda at walang kinikilingan. Edumar D.V. Madlangbayan