Kung baga sa puno, hitik sa bunga ang pelikulang Bagong Buwan ni Marilou Diaz-Abaya. At hindi maitatatwang nalunod ang kwento sa sobrang dami ng nais sabihin ng pelikula tungkol sa gyera sa Mindanao at sa matagal nang alitan ng mga Kristiyano at Muslim.
Nakasentro ang pelikula kay Ahmad (Cesar Montano), isang kasapi ng Bangsamoro na sa halip sumama sa pakikidigma, na katulad ng kanyang kapatid na si Musa (Noni Buencamino), ay mas pinili pang magpakadalubhasa sa pagdudoktor sa Maynila. Bumalik lang muli si Ahmad sa kanyang lupang sinilangan sa Mindanao ng mabalitaang namatay ang kanyang anak na si Ibrahim nang matamaan ng ligaw na bala nang minsang sumalakay ang mga vigilantes. Nang siya’y magbalik, nadatnan niyang nagdadalumhati ang kanyang asawang si Fatima (Amy Austria) at ang kanyang inang maysakit na si Farida (Caridad Sanchez).
Ang mga sumusunod na pangyayari ay nagtatampok sa madamdaming tagisan ng magkasalungat na paniniwala ng magkapatid—si Musa sa armadong pakikidigma at si Ahmad sa mapayapang pakikipag-ayos. Sa katunayan, sinasanay na ni Musa ang kanyang anak na si Rashid (Carlo Aquino) sa pakikidigma.
Sa isang hindi inaasahang pangyayari, napadpad ang batang Kristiyanong si Francis sa lugar na sentro ng gyera pagkatapos mahiwalay sa kanyang mga magulang nang magkaroon ng pagsabog sa kapitolyo. Nagpumilit siyang sumama kay Rashid hanggang sa marating nila ang kainitan ng digmaan.
Sa kabuuan, umiinog ang kwento sa pinaghabi-habing relasyon ng mga tauhan, sa kanilang iba’t ibang pinaglalaban, sa samu’t saring tunggalian ng paniniwala, at sa kani-kanilang tungkulin at obligasyon sa sarili at sa kapwa.
Kataka-taka namang hindi lubos nakatulong ang mga dapat sana’y may lalim na mga karakter sa pagpapaganda ng obra. Sa kabilang banda, maganda at mahusay ang intensyon ng pelikula na ipaunawa sa madla ang tunay na panyayari sa Mindanao. Reyann V. Kong