Mga gawa ni Toribio Herrera (mula kaliwa papuntang kanan): Sa Paligid ng mga Kubo, Monsoon Rain, Pilgrimage to Antipolo, and Woman in a Cave. Nagpahiram ang Bangko Sentral Collection, Del Monte Collection at mga pribadong koleksyon nina Jaime Ponce de Leon, Jaime Laya at iba pa para maisakatuparan ang exhibit. Mga kuha ni Josa Camille A. Bassig

MALIBAN kay Jose Rizal at iba pang mga tanyag na Tomasino, isang alumnus din ang nagpatunay na hindi suntok sa buwan ang maging parehong dalubhasa ang dalawang nagtutunggaling disiplina––agham at sining––pagkatapos niyang maipamalas ang galing sa medisina at pagpipinta.

Ngunit hindi man lang nasilayan ni Dr. Toribio Herrera (1888-1968) ang pagbibigay-pugay sa kanya noong Hunyo 24 sa Government Service Insurance System Museum of Art, kung saan isinapubliko sa ikalawang pagkakataon ang kayang mga obra maestro sa isang exhibit na pinamagatang “Medisining: The Art of Toribio Herrera.”

Unang ipinakita ang mga gawa ni Herrera noong 1972, apat na taon matapos siyang pumanaw.

Ayon kay Mary Ann Venturina-Bulanadi, ang co-curator ng exhibit at propesor sa College of Fine Arts and Design sa Unibersidad, isa sa mga misyon ng exhibit ay ang maipakilala si Toribio Herrera sa kasalukuyang henerasyon.

“Sa ikalawang eksibit ay hindi lamang mga obra ni Herrera ang itinanghal kundi pati ang kaniyang buhay,” ani Bulanadi. “Magaganda ang mga gawa ni Herrera at kasabayan niya sina Amorsolo noong araw, pero hindi siya masyadong naisulat sa mga libro.”

Dagdag pa ni Bulanadi, “bahagi rin ito sa pagpapakilala ng ating mga tanyag na alumni tungo sa ika-400 taong anibersaryo ng UST,” kung bakit napiling itanghal ang mga obra ni Herrera.

Makikita sa mga obra ni Herrera ang mukha ng Pilipinas noong paumpisa ang ika-20 siglo kung kailan hindi pa urbanisado ang mas malaking bahagi ng bansa, tulad ng kayang mga pintang “Sa Paligid ng Kubo,” “Kakawate,” at “Pilgrimage to Antipolo” kung saan masisilayan ang natural na ganda ng mga pook rural.

READ
Novel gets lost in its own maze

Ang “Monsoon Rain,” na ginawa niya noong 1955 ay nagpapakita ng mag-inang tila hirap na hirap na sinasagupa ang malakas na ulan at hangin, habang pareho nilang ginagawang pansangga ang kanilang payong

Ayon sa deskripsyon na isinulat ni Ruben Cañete, isang kritiko ng sining, ipinapakita sa larawan ang “kawalang magawa ng sangkatauhan sa nagngangalit na kalikasan” na marahil ay tumutukoy din sa isang taong dumaranas ng matinding karamdaman, na payak niyang nasasaksihan sa pagiging isang doktor.

Mababanaag naman sa iba niyang mga gawa, kagaya ng “Napakiao na yatang Lahat ng Isda, Wala na Akong Naabutan,” ang mistulang mga hindi kumportableng sitwasyon sa buhay ng isang tao na marahil ay impluwensya ng kaniyang madalas na pakikihalubilo sa mga may sakit bilang isang manggagamot.

Ayon kay Dr. Ma. Graciela Gonzaga, dekana ng Pakultad ng Medisina sa Unibersidad, makikita sa mga gawa ni Herrera ang kaniyang pagiging doktor. Ito ay matatanaw sa pagiging “proporsyonal ng mga katawan ng mga paksa ni Herrera,” na marahil ay dahil sa kaalaman niya sa anatomiya.

Ang “After Mass” naman na ginuhit niya noong 1951 ay nagpapakita ng isang babaing naka-terno na may hawak na payong habang sinasangga ang mistulang nakakapasong sinag ng araw.

Mayroon din isang pinta na ang parehong babae ay nakatayo sa bukana ng isang yungib sa pintang “Woman in a Cave.”

Mapapansin sa mga obra ni Herrera ang babaing nakapayong, pinaniniwalaan na representasyon ito ng kaniyang asawang si Consuelo na sinasabing noong araw ay hindi lumalabas ng bahay ng walang dalang payong.

Nagtapos si Herrera ng Medisina sa Unibersidad noong 1912, at pagkatapos ay kumuha ng kursong Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Agad siyang nakapagturo sa UP at naging isa sa mga kilalang guro noon sa pamantasan dahil samagkasabay niyang itinuro ang anatomiya at perspective o pagguhit.

READ
Oras

Ilan lamang sa mga estudyanteng dumaan sa kaniyang mga kamay sina Vicente Mansala, Carlos Francisco, Cesar Legaspi, Napoleon Abueva, at Abdul Mari Asia Imao, na pare-parehong naging pambansang alagad ng sining.

“Isa siyang matalik at mabait na kaibigan. Hindi matatawaran ang husay niya sa anatomiya at pag-guhit,” ani Imao noong magsalita siya sa pagbubukas ng eksibit.

Makikita rin sa mga obra ni Herrera ang pagmamahal niya sa kalikasan, sapagkat mayroon din siyang mga pinta na nagpapakita ng kariktan ng kapaligiran gaya ng “Batis,” “River Scene,” at “Sa Paligid ng Kubo,” bukod sa mahigit apatnapung pinta ni Herrera ng samut-saring prutas at gulay.

Tandang-tanda pa ni Cynthia Herrera-Archangel, apo ni Herrera na isa ring Tomasino, kung bakit nagkaroon ng mga ganitong mumunting larawan.

“Homework ko kasi ‘yan, kaso nakita [ng lolo ko] na hindi ako marunong mag-drawing, kaya ginawan niya ako ng bago, e hindi ko naman puweding ipasa ‘yon kasi halatang hindi ako ang gumawa,” masayang inalala ni Archangel.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.