SA KABILA ng kanilang mga malaking pinagkaiba, nakapagpasagawa ang mga Tomasinong sina Angelo Suarez at Costantino Zicarelli ng isang eksibit na naglalayong palawakin ang angkop na paksa ng pagkakaiba sa The Suarelli Brothers Have Nothing To Do With Each Other, na itinanghal sa blanc compound, Shaw Boulevard mula Agosto 1 hanggang 21.

Sa kanilang pinaka-unang two-man show, nilayon nina Suarez at Zicarelli sa The Suarelli Brothers—isang pangalan mula sa kanilang pinaghalong apelyido—na tuklasin ang magiging bunga kapag ipinagsama ang dalawang bagay na walang kinalaman sa isa’t isa at kung ano ang magiging epekto nito sa mga manonood.

Gamit ang teknikong juxtaposition, nabigyan ng mga artista ng aktibidad at buhay ang naturang eksibit.

“Sa pagtatabi nila, nagkakaroon ng interaksyon—o nagtatalo, para mas nakaka-angkop—ang mga gawa namin,” sabi ni Suarez, na nagtapos ng kursong Literature noong 2005.

Ayon pa kay Suarez, ang kakaibang paksa ay bunga rin ng magkaibang background nila ni Zicarelli, na nakasama na niya sa mga nakalipas na group exhibits.

“Nakaka-akit ang nagiging kalabasan dahil ang mga haka ko ay iba para sa kanya at ang mga haka naman niya ay iba para sa akin. Maraming kakaibang ideya ang naihain naming bilang resulta,” ani ni Suarez.

Isang pagtatalo

Ipinamalas ni Zicarelli, isang advertising graduate noong 2005, ang kaniyang mga tanyag na diptych paintings (o dalawang mga obra na ipinagtabi upang magmukhang iisa) sa 45 Million Years of Fiction, kung saan walong magkakaibang mga imahe ang ipinagtabi-tabi sa isang tabi ng bulwagan.

Isang sulyap lamang sa kaniyang mala-smorgasbord na obra, at makikita ng manonood na tuklasin ang epekto kapag ipinagsama ang hindi magkakaparis na mga imahe—isang larawan ng sanga, mga patay na insekto, vandalized na pader, disco ball, nasusunog na bahay, plorera, bakanteng kisame, at isang bungo na pumapagitna sa isang inuman—na nagmumukhang nakikipag-talo sa isa’t isa, dulot ng magkakaiba nilang konsepto at kulay.

READ
Artlets pay tribute to alumni in first Gantimpala

Samantala, inilarawan naman ni Suarez ang proseso ng komunikasyon sa kaniyang mga gawain. Sa Storytelling is an inherently communal act, nagkabit si Suarez ng 20 mahigit na mga litrato ng mga cellphone screens sa isang panig ng bulwagan, bawat screen ay may ipinapakitang patuloy-tuloy na serye ng mga mensahe.

“Nagpadala ako ng maikling mensahe sa mga katrabaho ko na siya namang dinugtungan at ipinagpasahan sa iba na hindi kasama ang unang bahagi ng kuwento,” paliwanag ni Suarez. “Sa ganitong paraan, nagmistulang bulag na itinutuloy ng mga nakatanggap ang pinasimulan kong istorya.”

Ang nasabing tekniko ay ginamit din ni Suarez sa Nothing is complete till you let it go kung saan nagpadala si Suarez ng apat na pirasong karton sa isang address, na siya namang ipapadala sa iba pang tahanan. Ang mga address ng bawat nakatanggap ay nakasulat sa bawat pirasong karton, na siyang nagpatibay ng walang-katapusang proseso ng komunikasyon.

Balak ng dalawang Tomasino na ituloy ang proyektong Suarelli Brothers sa mga susunod pang taon upang kanilang mabigyang-diin ang kanilang kakaiba—ngunit nakakaakit—na kaisipan sa sining.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.