NITONG nakaraang Hulyo 30 hanggang Agosto 27, sa ikatlong pagkakataon, itinanghal muli ang International Silent Film Festival dito sa Maynila, kung saan tampok ang limang lumang pelikula.
Isa sa mga pelikulang ipinalabas ay ang La Aldea Maldita o Ang Isinumpang Bayan, na nagmula pa sa Espanya at dinala ng Instituto Cervantes. Kinunan ang pelikulang ito noong taong 1930 kung kailan hindi pa kayang pagsamahin sa pelikula ang boses ng mga artista, at kinakailangan pang basahin ang dialogo bilang talababa.
Ngunit ang kakaiba sa panonood ng La Aldea ay sinabayan ito ng nakagaganang tugtugin mula sa bandang Affinity ni Johnny Alegre. Sa loob ng sinehan ay nandoon mismo ang banda na tumutugtog ng kung ano ang akma para sa ipinapalabas na eksena.
Ang La Aldea Maldita ay tungkol sa maliit na bayan ng Kastila na tinamaan ng sakuna kaya nangamatay ang lahat ng pananim at nagutom ang mga naninirahan dito.
Dahil sa sakuna, napagdesisyunan ng marami na umalis na lamang at manirahan sa ibang lugar.
Bagaman La Aldea Maldita o Ang Isinumpang Bayan ang titulo ng pelikula, hindi tungkol sa bayan ng Castillian ang binigyan ng pokus kung hindi ang karangalan ng isang lalaki na higit na nakasalalay sa asawa nito. Dahil napakalaking bagay ang karangalan para sa mga tao sa bayan na ito, ang galaw ng babae ay de-numero – isang maling galaw lamang at madudungisan ang pangalan ng kaniyang kabiyak. Isa na rito ay si Accacia, ang asawa ni Juan Castilla, na umalis sa kanilang bayan upang takasan ang kahirapan, pati narin ang responsabilidad sa asawang nakakulong.
Pagkatapos ang ilang taon na walang natanggap na balita ang mag-ama sa umalis na ina, piniling isipin ni Juan na patay na ang kaniyang asawa. Ngunit isang araw, natagpuan ni Juan si Accacia at ang kaibigan nito na nagtatrabaho sa isang bahay aliwan. Puno ng galit dahil sa kahihiyan, kinaladkad ni Juan ang kaniyang asawa pauwi at trinato na parang alila ang asawa. Sa huli, makikita ng manonod na tuluyang nabaliw si Accacia mula sa mga pinagdaanan niya sa kaniyang asawa, at masisilayan din ang pagsisisi ni Juan sa ginawa niyang pagtrato.
Makikita sa La Aldea Maldita ang nakapapanirang epekto ng labis na pagbibigay halaga sa karangalan, at pagiging kuripot sa pagpapatawad ng iba. Makikita rin dito ang kawalan ng karapatan ng kababaihan. Kahit na tila naging multo si Accacia dahil pinagbawalan siya ng asawa na makisalamuha sa anak, wala itong magawa dahil nang mga panahon na iyon ay tila wala pang batas na ipinapatupad noon para sa mga ganitong kaso. Maria Joanna Angela D. Cruz