UPANG ipakita sa publiko ang kariktan ng papel, pitong alagad ng sining ang nagsama-sama sa exhibit na pinamagatang Pumapapel: Art in Paper na nag-umpisa noong ika-13 ng Hulyo at tatagal hanggang Nobyembre 16 sa Yuchengco Museum.
Bumida ang dalawang Tomasinong artist na nagtapos ng Advertising mula sa dating College of Architecture and Fine Arts na sina Tony Gonzales at Tes Pasola na piniling gamitin ang papel bilang materyal sa kanilang sining.
Kasama ng dalawa ang printmaker na si Pandy Aviado, iskultor na si Impy Pilapil, Joey Cobcobo, Wataru Sakuma at Asao Shimura at ang walong mag-aaral ng School of Fashion and the Arts (SoFA).
Ang exhibit ay nahahati sa limang seksiyon na magkakaiba ang mga tema—“Paper Prayer Circles,” “Paper Fiber Paper,” “Paper Days,” “Paper Dolls,” at “Paper Play.”
Si Gonzales at Pasola ay may tig-siyam na gawa na makikita sa exhibit. Lahat ng gawa ni Gonzales ay walang pangalan at yari sa likhang-kamay na papel, papel na kozo, salago at abaca pulp. Karamihan rin sa mga gawa niya ay may abstract na disenyo maliban sa dalawa—ang isa na korteng mga letra habang ang ikalawa nama’y hugis kubyertos.
Sa mga gawa ni Pasola, ang unang makikita ay ang “Without Measure II”, na binubuo ng mga itim at makakapal na paha na inikot upang maging bilog. Ang kaniyang “Forever 11” naman ay binubuo rin ng mga itim na paha na pinagsama-sama at hinugis upang magmukhang simbolo ng infinity o kawalang-hangganan..
Samantala, ang “Suspended Garden” nina Gonzales at Pasola na bahagi ng “Paper Prayer Circles” ay yari sa mga recycled pulp. Hindi tulad ng karamihan sa mga likha sa Pumapapel na hindi maaaring hawakan, ang likhang sining na ito ay maaring daanan sa gitna, na siyang ipinapayo nina Gonzales at Pasola sa mga tagamasid. Maari ring higaan ang karpet at tingalain ang mga batong lumulutang.
Mga masining na kalendaryo naman ang tampok sa “Paper Days”, kung saan sina Gonzales at Pasola ay nakipagtambal kay Inge Brune upang gumawa ng mga kalendaryo para sa taong 2008 hanggang 2010. Ang kalendaryo nila para sa taong ito ay tinawag na “Spirit” at nanalo ng gintong gantimpala sa 60th International Calendar Show sa Stuttgart, Germany.
Sa bahaging “Paper Fiber Paper” naman ay tinampok ang shifu o mga telang yari sa papel na sinulid. Ito ay maaaring gamitin sa paghahabi ng damit gaya ng papel na gawa sa piña at seda.
Ipinakita naman ng mga mag-aaral mula sa SoFA na bukod sa shifu ay mayroon pang ibang maaaring gamitin sa paggawa ng damit. Sa “Paper Dolls” ay nagdisenyo at gumawa sila ng mga damit na yari sa diyaryo, cardboard, at iba pang papel na maaaring gamiting muli. M.J. D. Cruz