BILANG pagsalubong sa mga bagong mag-aaral ng Unibersidad, isang eksibit ang itinanghal sa UST Museum of Arts and Sciences noong Hunyo 7-30 tungkol sa kasaysayan ng 401-taon ng Unibersidad.

Pinamagatang 400 Years and Counting, layon ng eksibisyon na ipamahagi ang kahusayan ng Unibersidad. Hango ito sa eksibisyon sa tanggapan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (Unesco) sa Paris noong Setyembre 21-23 nang nakaraang taon kasabay ng pagdiriwang ng ikaapat na siglo ng UST. Itinampok dito ang kultura, pamana, at kasaysayan ng Unibersidad pati na rin ang kontribusyon nito sa iba’t ibang larangan gaya ng agham, panitikan, at medisina.

May apat na bahagi ang eksibisyon kung saan itinampok ang Unibersidad bilang “Vanguard of Culture,” “Witness to History,” “Citizens of the World,” at “Custodian of Heritage.”

Ipinakita sa Vanguard ang anyo ng Arch of the Centuries na nakapatong sa isang pedestal na may inskriptong baybayin na nangangahulugang “400 taon.” 

Tampok din ang mga larangan kung saan nangunguna ang Unibersidad tulad ng sining, panitikan, agham, relihiyon, edukasyon, at komunikasyon. Nabanggit din ang pagkakatatag ng Varsitarian noong 1928 na luminang sa ilan sa mga Pambansang Alagad ng Sining tulad nina Bienvenido Lumbera, F. Sionil Jose, at J. Elizalde Navarro.

Ang “Witness to History” ay isang time line mula noong panahon ng mga Espanyol hanggang sa pagdiriwang ng Quadricentennial ng Unibersidad noong 2011. May anyo dito ng isang libro na nakagapos sa katad na naglalaman ng Foundation Act at plakang Lumina Pandit na pinanday ni Tony Noel sa Thiebaut sa Pransya.

Samantala, ipinahayag ng “Citizens of the World” ang ‘di matatawarang kontribusyon ng UST sa kaalaman at karunungan, katulad ng mga aklat na napalimbag nito sa mga nagdaang dantaon at paglahok nito sa mga internasyonal na paligsahan at pang-akademiyang ugnayan, at pagtatag ng mga kapisanan ng alumni sa iba’t ibang panig ng mundo, habang ipinamalas naman ng “Custodian of Heritage” ang mga kontribusyon ng Unibersidad sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng kulturang Pilipinas.

READ
Show focuses on 2 of original 13 Moderns

Kurador ng eksibisyon si Regalado Trota-Jose, arkibista ng UST at komisyoner ng National Commission for Culture and the Arts.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.