INILUNSAD sa isang eksibit ang mga likhang sining ng yumaong si Joey Velasco sa tulong ng Joselito Salvador A. Velasco Foundation, Inc. (JSAVFI) sa Crucible Gallery sa Mandaluyong noong Hulyo 16-28.
Pinakakilala si Velasco sa kaniyang “Hapag ng Pag-asa,” na sumasalamin sa kahirapan ng mga batang “disipulo” na namulat mula sa realidad ng mundo sa batang edad. Ipinapakita sa dibuho ang isang dosenang gutom na bata, sa halip na labindalawang apostoles, na kasama ni Kristo sa hapunan.
Makikita sa nangungusap na mata ng mga bata ang maralitang buhay na kanilang kinabibilangan.
Ang bawat pigura sa larawan ay tunay na mga batang mahihirap na may kani-kaniyang kuwento sa likod ng kuwadro na pinanggalingan ng inspirasyon ni Velasco.
“Akala ko dati balewala lang sa kanila ang buhay maralita dahil sanay na sila. Hindi rin pala,” ani Velasco sa isang panayam dati sa programang Probe ng ABS-CBN. “Ako pala ang nasanay na sa kanilang kahirapan.”
Samantala, makikita sa “Let There Be Peace on Earth” ang isang batang nagdadasal habang nakasuot ng helmet ng sundalo. Nakaharap siya sa isang mesa na may nakapatong na mga laruang pang-militar at isang krus. Kapansin-pansin sa likod niya ang isang orasan na naghahayag ng oras na alas tres.
Kasama din sa itinampok ang “Habilin” na ipinapakita ang pagkakapako ni Hesus sa krus mula sa itaas na anggulo. Si Maria ay nakapuwesto sa Kaniyang paahan na nakataas ang dalawang armas na tila Siya ay kinakausap. Sa kaliwa ni Maria ay isang batang lalaki.
Dahil sa kidney cancer, yumao si Velasco noong taong 2010. Siya ay 43 taong gulang.