ANG PAGLAKIP sa dalawang magkaibang kultura ang naging tema ng matagumpay na pagsasanay sa tugtugin ng mga instrumentong gong at bamboo ng Maguindanao at Kalinga mula Hulyo 15 hanggang 19 sa Konserbatoryo ng Musika sa tulong ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Philippine Society for Music Education (PSME).

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng paglinang sa kulturang musika ng Maguindanao at Kalinga sa pagitan ng mga unibersidad na nagbigay ng panibagong kahalagahan sa kultura ng mga katutubo sa Pilipinas.

Mahigit sa apatnapung estudyanteng kinatawan ang dumalo sa pagsasanay na mula sa iba’t ibang unibersidad at eskuwelahan sa bansa—Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UP-D), Kolehiyo ng Santa Isabel, Kolehiyo ng St. Scholastica, Unibersidad ng St. Paul-Manila, Philippine Normal University, Unibersidad ng Don Mariano Marcos Memorial State at UST—kung saan nahati sa beginner class at master class ang lahat ng kalahok.

Kalinga at Maguindanao ang napiling paksa bilang parte ito ng Grade 7 curriculum ng programang K-12.

Sina Aga Mayo Botocan at Benny Sokkong, na parehas naging propesor ng musika sa UP-D, ang naging master teachers ng buong pagsasanay.

Sa huling araw naipakita ng lahat ang resulta ng kanilang pag-aaral sa magkaibang kulturang musika sa pamamagitan ng pagtugtog ng mga kakaibang instrumentong bamboo ng Kalinga at ang iba’t ibang uri ng Maguinadanao gongs.

Ang pagtatangahal ng mga instrumentong Kalinga ay may dalawang bahagi na solo bamboo at bamboo ensemble.

Ilan lang sa instrumento ng solo bamboo ang diw diw as na baryasyon ng pipa at paldong na nagbibigay ng mataas at matinis na tono.

READ
A "little" inspiration

Ang ginalupak, binangad, tinanglayan at ninaneng naman ang mga musical patterns na ipinarinig sa mga instrumento ng bamboo ensemble na tulad ng pateteg, isang kawayang silopono at tongatong na isang instrumentong percussion na gawa mula sa sari-saring haba ng kawayan.

Binuo ng kulintang, agong, babendir, dabakan at gandingan ang mga instrumento ng Maguindanao.

Kakaiba naman ang agong na mayroong dalawang malaking gongs na patayong nakabitin at parte din sa pagtugtog ng kulintang ensemble.

Ayon kay Associate Professor Dolores Andres, isa sa mga namuno ng pagsasanay, ito ay hindi lamang upang mapaigting ang kulturang Filipino bagkus para rin sa mga susunod na henerasyon. “These are all future teachers who will impart this music to the next generation of students.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.