Kung nakikita ng mga mata ang musika, ano nga ba ang magiging hitsura nito?
Dalawang Tomasino ang kasama sa In Transit, isang natatanging art eksibit na naglalayong mabigyan ng tulay ang dalawang magkaibang uri ng sining: musika at visual arts.
Pawang mga produkto ng College of Fine Arts and Design sa kursong Advertising Arts, kasama sina Ronald Caringal at Geloy Concepcion sa mga 19 na mga likhang-sining upang isalarawan o bigyang kokreto ang mga piyesang gawa ng mga 19 na musikero.
Gamit ang musika ng bentilador at mga padyak ng sapatos na ginawa ng kaniyang katambal na kompositor, nabuo ni Caringal ang likhang pinamagatang “Linear Movement” na binubuo ng dalawang piyesa: isang oil-on-canvas at isang LED sign.
Isang serye ng horizontal linear dots na nagpapalit-kulay mula sa matingkad patungo sa madilim na kulay ang kuwadro. Samantala, lupon ng mga asul na bilog na gumagalaw sang-ayon sa kuwadro ang likha niyang electrical LED sign na lumilikha ng isang optical illusion: isang imahe ng sabay na paggalaw ng dalawang nasabing obra.
“Movement for me is consumption of time and space. Kasi the concept of the exhibit is movement. I wanted to represent a journey. I wanted to represent moving from one point to another na ‘yung pinakabasic form na puwede, kinalabasan niya ay ‘yung dots,” sabi ni Caringal sa isang panayam ng Varsitarian.
“‘Yung ginawa ng kapartner ko na work, it’s more of trickling sounds where the process required me to listen to the audio for eight straight hours. I made a series of manual optical illusion dots that I complemented with a LED light which I think is a sign for transit,” dagdag ni Caringal.
Gumamit naman si Concepcion ng “mixed media” sa kaniyang “Etraksid”—dalawang black-and-white na retrato at isang canvas painting. Ang unang retrato ay mga taong naghihintay ng masasakyan sa isang eskinita, at ang isa naman ay retrato ng mga manok sa kulungan. Para sa sentrong obra, nagpinta siya ng isang pigura ng tao sa tema ng itim at abo.
Ayon sa pintor, isang street slang ang “Etraksid” na ang ibig sabihin ay diskarte kapag binaliktad.
“I basically just listened to the music while working on the painting and picking the photos. I did not require myself to make an artwork that will fit the music. I just made an artwork while listening to the music,” ani Concepcion sa isang e-mail sa the Varsitarian. “For me In Transit is the feeling of going somewhere but you still do not have a final destination in mind. You can go back, you can stop, you can do whatever you want.”
Ginamit din ang kaniyang painting bilang isang freedom wall para sa mga tagamasid ng eksibit.
“The freedom wall is really not in the plan. During the installation, I just had an idea to put a pen and let the viewers write what they feel about the music, and so the collaboration continues.” Ma. Czarina D. Fernandez