Itigil ang dahas sa lansangan ni Juan!

0
4057

ISA SI Kian de los Santos sa higit 13,000 na nakatalang pinatay kaugnay ng kampanya ng administrasiyong Duterte laban sa ilegal na droga. Tatlong beses siyang binaril: isa sa likod at dalawa sa sentido. Ayon sa mga awtopsiya, “nakasubsob” na ang binata nang binutas ng mga bala ang bungo nito; ang may kagagawan, mga pulis.

Ayon sa mga saksi, noong ika-16 ng Agosto, pasado alas-otso ng gabi nang makita nila si de los Santos na sinasampal at sinusuntok ng tatlong pulis malapit sa bahay niya sa Brgy. 160, lungsod Caloocan. Ilang metro mula roon, nahagip naman sa CCTV na kinakaladkad ng mga pulis ang binata. Ilang hakbang pa mula sa pook ng footage, natagpuan ang binata na walang buhay. May saksing nagsasabi na inabutan ng mga pulis ang umiiyak na binata ng baril bago siya inutusang tumakbo at iputok ang baril, bago siya paslangin ng mga naturingang alagad ng batas.

Taliwas ang mga detalyeng ito sa salaysay ng ilan sa mga sangkot na awtoridad. Ayon sa kanila, bago tumambad ang bangkay ni de los Santos sa isang maduming eskinita sa gilid ng Ilog Tullahan, ilang kanto mula sa kanyang bahay, nanlaban daw ang menor de edad na binata kaya napilitan ang mga pulis na paputukan siya. Patunay raw nito ang kalibre-45 na baril sa kaliwang kamay ng bangkay. Dagdag pa nila, tulak ng droga si de los Santos: katibayan ang dalawang pakete ng shabu sa bulsa niya at ang mga report ng “intelligence community.”

Para suportahan pa ang pilipit nang katwiran ng mga nasasangkot, ihinarap ng Philippine National Police (PNP) sa media ang katransaksiyon diumano ni de los Santos na umaming runner daw ng droga ang binata. Isa pang kuwento ang inilabas sa press, may natagpuan daw ang kapitbahay ni de los Santos na itinagong shabu sa mga sirang tubo ng tubig sa kanilang lugar.

Samantala, sa isang pagdinig sa senado, sinabi mismo ng nag-awtorisa sa operasyon na kumitil sa buhay ni de los Santos at sa mahigit sampu pang indibidwal, ang tinanggal na hepe ng kapulisan ng Caloocan na si Senior Supt. Chito Bersaluna, na nakumpirma nila ang koneksiyon ni de los Santos sa ilegal na droga base sa social media. Higit na nakapangingilabot na ang pagkumpirma raw na ito ay dumating matapos mapatay ang binata.

Paanong hindi kukuwestiyunin ang kampanyang ito? Pinaputukan sa ulo, hindi lang isang beses, ang nakahandusay nang kapwa Filipino: tatlong armadong pulis “laban” sa isang menor de edad. At sa kabila ng nakalululang alokasyon para sugpuin ang problema ng droga ngayon 2017 (sa PNP, P111.6 bilyon; sa Philippine Drug Enforcement Agency, P1.8 bilyon; sa Dangerous Drugs Board, P125.1 milyon; Office of the President’s Confidential and Intelligence Funds, P2.5 bilyon; National Intelligence Coordinating Agency, P793.7 milyon; Department of Health Treatment and Rehabilitation Centers, P2.6 bilyon), kakatwiranan ng mga awtoridad ang kamatayan ng isang Filipino gamit ang mga “intelligence reports” mula sa social media—ang internet platform na pinipugaran ng mga kasinungalingan, fake news, trolls, at hackers. Pinakamasahol sa balitang ito: patay na si de los Santos bago ang “kumpirmasyon”—na, kayhirap ulitin, batay sa social media.

Mayroong mali. Tinumbok ito ni Arsobispo Socrates Villegas nang sabihin niya: “Ang opisyal na pumatay ay may parangal. Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila ‘Nanlaban kasi.’”

Noong Marso lang, ipinangako ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang malinis na kampanya kontra-droga isang “bloodless campaign” na idinisenyo para masawata ang mga “high-value target.” Nangyari na nga, walang dugong dumanak mula sa malalaking pangalang iniuugnay sa ilegal na droga. Karamihan pa sa kanila ay naabsuwelto, kahit iyong nahuli mismo sa raid sa imbakan ng droga.

Kung hindi kasinungalingan ang “bloodless campaign,” malinaw itong kapalpakan. Sa nangyari kay de los Santos, saksi ang bayan na imbes na huminto ang karahasan, lalo pang tumapang ang mga utak-pulbura at gatilyo na nagkukubli sa loob ng uniporme—silang pumapatay base sa mga nakalagay sa social media, basta mahirap ang target, basta nanlaban kahit sa loob lamang ng kanilang isipan.

Isa pa, nakadidismaya ring isipin na hinintay pa ng ating mga mambabatas na bumaha ng dugo sa mga kalye ng Kamaynilaan bago pagpasyahang magpulong upang paimbestigahan ang kapabayaan ng PNP.

Nilagdaan ng mga miyembro ng mayorya noong ika-20 ng Agosto ang isang resolusyong sisiyasat sa mga ilegal na operasiyon ng pulis kabilang na ang pagpaslang kay de los Santos. Nakasaad din sa dokumento ang isinusulong na pagrerebisa ng R.A. No. 8551 o Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998 kung saan nakapaloob ang tungkulin ng PNP Internal Affairs Service (IAS). Kinondena ng mga senador ang mabagal na pagkilos ng IAS upang imbestigahan ang kaso ng mga nagkakasalang miyembro ng PNP. Kung hindi lamang naging bulag at bingi ang bayan sa simula ng madugong kampanya, wala na sanang buhay na nasayang sa ilalim ng rehimeng hindi kinikilala ang Konstitusiyon.

Hindi kamay na bakal o parusang kamatayan ang kailangan ng bansa sa kasalukuyan kundi responsableng kapulisan na lubog sa aral ng moralidad at pangangalaga sa buhay ng tao.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.