Interior designer, dinaig ang pagsubok sa ibang bansa

0
2514
Image mula kay Joji Castillo

HINDI maipagkakailang maraming pagsubok ang pinagdaraanan ng mga Pilipinong naghahanap buhay sa ibang bansa.

Tulad na lamang ng dinanas ni Maria Dolores Castillo, isang interior designer na graduate ng UST. Mahigit dalawang dekada na siyang nagtatrabaho sa Brunei.

Nagtapos si Castillo sa noo’y College of Architecture and Fine Arts noong 1991 at nakamit niyaang pangalawang pinakamataas na puntos sa 1993 interior design licensure exam.
Taong 1994 nang magsimula siyang magtrabaho sa Amadeo Development Corporation, ang pinakamalaking kompanyang pangkonstruksyon at disenyo sa Brunei.

Ngunit bilang baguhan at dayuhan, hindi naging madali ang pakikibagay ni Castillo sa wika at kultura ng bansa.

Mayroong mga panahong siya ang palaging ipinapagalitan o tinutukso ng kaniyang mga kasamahan. Minsan na raw siyang pinagsabihan ng isang site supervisor na umuwi na lamang at matulog.

“What I experienced is something that any newcomer in an organization would often feel. You feel that you need to prove your worth? There [are] people who [will support] you and there [are people] who [will bully] you,” kwento ni Castillo.

Ngunit makalipas ang ilang taon, kinailangang magsara ng kompanya. Napilitan si Castillo na pumasok sa industriyang hindi pamilyar sa kanya.

Taong 2000 nang maging bahagi si Castillo ng graphics team ng Empire Hotel and Country Club, ang nangungunang hotel sa Brunei.

Nagsimula siya sa paggawa ng mga advertisement at brochure. Nang maglaon, nabigyan siya ng pagkakataong maging sekretarya at senior sales manager o tagapamahala ng wholesale business sa Australia, Japan, Middle East at Europe.

“I took the job basically because I needed to. I was in between mortgage and tuition fees. I just bought a house and [I was] still helping my parents, I cannot afford to be jobless,” wika niya.

Bagaman nasanay na siya sa bagong industriya, ninais pa ring balikan ni Castillo ang pagdidisenyo.

Matapos ang 10 taon ng pagiging hotelier, nakatanggap si Castillo ng disenyong proyekto mula sa gobyerno ng Brunei. Naging tiket ito ni Castillo sa pagbalik niya sa pagiging interior designer.

Sa kasalukuyan, Senior Interior Designer na si Castillo ng Nouvo Design Sendirian Berhad, isang interior design company. Kabilang sa kanyang mga kliyente ang Prime Minister’s Office ng Brunei, Ministry of Defense at Ministry of Foreign Affairs ng Brunei.

Para kay Castillo, kaakibat ng pagtatrabaho sa ibang bansa ang culture shock at language barrier.

Dagdag pa niya, “[A]lways remember that you [took] this job to earn and learn the trade. You must remain resilient but respectful at all times.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.