Ramiro: Tomasinong doktor, tanyag sa Estados Unidos

0
2722

MALAYO man sa pagdodoktor ang kaniyang unang pangarap, sinikap pa rin ni Lucila Ramiro na hasain ang abilidad sa panggagamot upang makapagbigay ng mahusay na serbisyo sa mga pasyente.

Kaya hindi nagtagal, nagbunga ang kaniyang pagsisikap. Matapos ang mahigit 20 taong pagtatrabaho sa Tampa General Hospital sa Florida, USA, hinirang si Ramiro bilang bise-presidente ng general medical group ng ospital.

Ang unang pangarap ni Ramiro ay mag-aral ng accountancy sa Unibersidad. Ngunit isinantabi niya ito para sundin ang kagustuhan ng kaniyang mga magulang na kumuha siya ng kursong medisina.

Sa kabila nito, nagtapos siya bilang cum laude ng BS Psychology sa College of Science taong 1981. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral ng medisina sa Faculty of Medicine and Surgery at nagtapos siya bilang cum laude taong 1985.

Sinimulan ni Ramiro ang kaniyang pre-residency sa radiology department sa Unibersidad ngunit hindi niya ito natapos dahil nagpasya ang kaniyang mga magulang namanirahan sa Estados Unidos.

Ipinagpatuloy ni Ramiro ang kaniyang residency sa St. Luke’s Medical Center sa Cleveland, Ohio. Pagkatapos, lumipat siya sa Tampa, Florida.

Bilang dalubhasa sa larangan ng internal medicine, ginagamot ni Ramiro ang mga sakit tulad ng diabetes, hypertension, cholesterol, sakit sa puso, sakit sa baga at iba pang uri ng chronic diseases. Parte rin ng kaniyang specialization ang preventive medicine at chronic care management o ang pag-aalaga sa mga pasyenteng mayroong mga pabalik-balik na sakit.

Bukod sa pagiging isang manggagamot, isa ring propesor si Ramiro. Nagtuturo siya sa mga medical at internal medicine resident sa University of South Florida.

Sinikap ni Ramiro na palawakin pa ang kaniyang kaalaman kaya nakilahok siya sa mga gawaing administratibo at naging physician leader at medical director.

Kumuha rin siya ng masteradong degree sa business administration sa University of South Florida kaya hindi maitatangging bunga ng kaniyang pagsusumikap ang pagluklok sa kaniya sa mataas na posisyon.

Panibagong adhikain

Bilang bise-presidente, pinamamahalaan ni Ramiro ang mga manggagamot ng ambulatory care o panggagamot sa outpatients tulad ng diagnosis, observation, consultation, treatment at rehabilitation services.

Siya rin ang namamahala sa mahigit-kumulang na 102 providers: mga manggagamot, nars at physician assistant.

Nais din ni Ramiro na palaguin ang bariatric program, isang programang kumakalinga sa mga taong overweight at transplant institution ng ospital.

“Sinusubukan kong suriin ang pangkalahatang lagay ng ospital at tingnan kung ano ang pwede pa naming palaguin. Pero ang pinakaimportante pa rin ay ang makapagbigay kami ng pinakamagandang serbisyo sa aming mga pasyente,” wika ni Ramiro.

Hindi man niya nakamit ang kaniyang inisyal na pangarap, natutunan niya naman na may dahilan ang bawat hamon ng buhay.

“Marami ka mang isinasakripisyo ngayon, makikita mo rin ang halaga ng mga ito sa hinaharap. Hindi madali [ang magsakripisyo] at hindi ito magiging madali, ngunit tandaan na sa dulo ay may patutunguhan din ang lahat,” wika niya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.