MULA sa kaniyang pananaw bilang Pilipinang dayuhan sa ibang bansa na nangungulila sa kinagisnang wika at bansa, pinanday ni Elynia S. Mabanglo ang Mesa Para sa Isa (UST Publishing House, 2002), isang librong maaaring makapagbigay depinisyon sa makabagong Pilipino.
Sa mga piling tulang ito ni Mabanglo, ipinakikita ng makata ang tumitibok na diwa ng karanasan ng tao tulad ng mga karanasan niya habang nagtuturo ng Filipino at panitikang Filipino sa Unibersidad ng Hawaii-Manoa.
Binubuo ng mga tulang nailathala na at mga bersong kalilimbag pa lamang ang Mesa Para sa Isa. Isa na rito ang “Dalitpuri,” na may mga linyang umaapaw sa pag-ibig ng tao sa kanilang kapwa at sa Diyos: “bayaang maangat ang kandado/ bayaang matagay ang alak/ sa pagsalubong sa kanya/ nagdaraang apoy ang tibok ng puso nita.” Kung uunawain ang tulang ito bilang kuwento ng pag-iibigan sa pagitan ni Bathala at ng masunuring nilikha, pinakikitang hindi dapat katakutan ang kamatayan sapagkat ito ang tuluyang maglalapit sa deboto sa kaniyang mahal na Panginoon magpakailanman.
Sa tulang “Tenure,” inilalahad ni Mabanglo ang tila malupit na kakayahan ng mga naka-imprentang salita na panghimasukan ang paghahanapbuhay ng tao. Sa sulat ni Mabanglo: “nakaharap/ nakasalalay/ sa bunton ng papel/ ang kinabukasan.” Nagbibigay naman ang tulang “Kung Ibig Mo Akong Makilala,” ng isang naiibang konsepto ng pag-ibig na nagmula sa mga ikinukubling karanasan ng tao sa panliligaw. Maaari ring ituring na gabay sa buhay pag-ibig ang nasabing tula dahil sa praktikal at nagpapayong tono nito: “Kung ibig mo akong makilala,/ Lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,/ Ang titig kong dagat—/ Yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit/ Ng hapon ko’t bukas.”
May mga tula rin si Mabanglo na hango sa mga epiko at alamat ng iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas. Isa na rito ang “Tulang Haka nina Tungkung Langit at Alunsina,” na ibinatay sa epikong Bisaya tungkol sa bathalang si Tungkung Langit at ang asawa niyang si Alunsina. Binigyan ni Mabanglo ng makataong dimensyon ang kuwento ng mga diyos sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang emosyon. Mabisa itong naipakikita ng mga linyang binanggit ni Alunsina sa tula bilang paglalarawan sa matinding pagseselos ng kaniyang asawa: “Panibugho/ ang pangalan ng pananabik,/ ang tawag sa iyong pag-ibig./ Salamat at natutuhan mo na ring sabihin./ Hindi, aminin.”
Sa tulang “Buhok,” nakalantad ang isang tema na halaw sa peminismo at hitik sa mga halimbawa ng realismo. Tampok dito ang hinanakit ng isang asawa tuwing ibinibigay ang sarili para sa ligaya ng kaniyang kabiyak: “sa simbuyo ng damdaming/ di tulak ng paggiliw/ ano’t lugay na buhok/ sinasabunot.”
Magaganda ang mga tulang kasama sa aklat dahil nahihikayat nito ang mga Pilipinong mambabasa na tuklasin ang mga nalilimutang kakayahan ng wikang Filipino sa malinaw na pagpapahayag ng mga ideya. Ngunit may mga pagkakataon din na ang pagkabusilak ng wika ay bahagyang humahadlang sa pang-unawa ng mga mambabasa. Marami sanang naipaabot na aral ang mga berso ni Mabanglo kung hindi lamang ito nahadlangan ng pagiging malalim ng ilang salita.
Ngunit agad namang nakikita ang talento ni Mabanglo dahil sa kakayahan niyang painugin sa isip ang mga modernong konsepto ng buhay gamit ang matalinghaga at purong Filipino. Ayon sa manunulat, bahagi ang kalipunan ng mga tulang ito ng kaniyang “krusadang patuloy na makairal sa larangan ng pagtula sa Filipino sa isang bansang iilan o halos walang mambabasa nito.”