“Sa isang daigdig na mahilig sa kamangha-mangha, sa karnabal na kakikitaan ng mga hindi pangkaraniwan, tanong kung ano ang ikaiiba ni Mang Levi sa lalaking ipinaglihi sa palaka kaya itsurang palaka, o sa taong gubat na kumakain ng buhay na manok. Malamang na wala, kung pakasusuriin ang batayan ng nagiging pagpapahalaga sa kanya sa pagtugtog ng dahon at sa pagkakasulat niya ng may apat na libong titik ng awit.”

Sa mga katagang ito sinimulan ni Michael Coroza, junior associate ng UST Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS), ang kanyang panayam, at nagmistula ngang karnabal ang AVR ng St. Raymund’s Building sa dami ng mga mag-aaral na dumalo noong hapon ng ika-26 ng Hunyo, nang ganapin ang panayam na pinamagatang “Ang awit bilang tula, o si Levi Celerio bilang Makata”.

Ang naganap na “Poetry as Pop” ni Lourd de Veyra noong Nobyembre ay tila nagbigay ng kabiyak na mensaheng ipinaparating ng talakayan ni Coroza. Sa madaling sabi ay “Pop as Poetry” naman ito, pinaikot sa pagiging makata ng lirisistong si Levi Celerio.

Kumpara sa mga ibang panayam na naidaos na ng Center, dinumog ng mga tao ang talakayan tungkol sa awit ni Mang Levi—kahit na nakatayo o nakaupo lamang sa mga baitang ang iba.

Gaya ng inaasahan, musika ang pinuntahan ng nakararami, at ang elemento ng panulaan ay tila nakisabit lamang. Ngunit sa halip na makipagpaligsahan sa mensahe ng panayam, ang elemento ng musika ay nakapagdagdag-aliw sa mga nakinig.

Ang pagkakabigkas mismo ng makata sa kanyang pagtalakay ay halos patugma, na anim’y tinutula, at ang paminsan-minsang pagkanta nito sa mga bersong inilaan ay nakapagpabuhay sa mga nakikinig na mag-aaral.

READ
Tuition increased by 15 per cent

Sa pamamagitan ng pag-ungkat ng mga naunang teorya ng awit at tula, at paghahambing ng teksto ng awit ni Levi Celerio sa mga tula ng paborito nitong makata na si Jose Corazon de Jesus, nailahad ni Coroza kung paano ginamit ni Mang Levi ang kanyang mga awit upang maipahayag, lalong-lalo na sa kabataan, ang mga katotohanan at aral sa buhay. Sa paghabi din ng awit, napanatili ni Mang Levi ang yaman ng kulturang Pilipino.

Ang awit nga naman, higit pa sa pagiging repleksyon ng mga panahon ng pagkakagawa nito, ay nagbibigay-aliw din sa madla. Sa ganitong paraan, mas nakukuha ng mga tagapakinig ang mensahe ng awit o kanta. Dahil na rin sa tonong inihabi kasama ng teksto nito, mas matagal itong nananatili sa alaala ng mga nakikinig.

Ayon kay Coroza, ang katutubong makata o manlilikha “ang tagapag-ingat ng mga katotohanan, paniniwala, at pagpapahalaga na tinatanggap ng kanyang lipunan, at tungkulin niyang isakataga ang mga ito sa paraang mauulit-ulit ng lahat.”

“Ang bayan, higit sa lahat, ay nalilikha sa imahinasyon ng mga mamamayan upang patuloy itong umiral at sumulong. Papel ‘yang ginagampanan ng mga makata at manlilikha ng titik ng awitin na tulad ni Mang Levi Celerio. At sana, hindi na lamang matuon ang pagdakila natin kay Mang Levi Celerio sa pagtugtog niya ng dahon,” sabi pa ng makata sa katapusan ng kanyang panayam.

Marahil, ang pagtatagpo ng awit at ng tula noong hapong iyon ay pangbukas-isipan lamang, na ang tula ay hindi nakataas sa pedestal na hindi maaaring maabot ng mga mambabasa, at ang awit ay hindi lang dapat malunod sa karnabal ng mga bagay na kakaiba, hindi dapat makuntento sa simpleng pagsasabog na lamang.

READ
Anti-family

Nang hapong iyon, higit pa sa na ikinatuwa ng mga taga-Center sa pagdalo ng napakaraming mag-aaral, ipinagdarasal din nilang hindi lamang simpleng aliw ang nakuha ng mga ito, kundi aral din at kaliwanagan, kung bakit sa napakamateryalosong mundong mayroon tayo, sinisikap pa rin ng mga makata at dalubhasa na pag-ingatan ang sining ng panitikan. Natasha B. Gamalinda at Lea C. Lazaro

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.