May isang direksiyong patutunguhan ang bawat Law student—ang pinakamahirap na pagsusulit sa batas at pinakamailap sa kukuha nito—ang bar examinations.

Sa buong buwan ng Setyembre, mamumuhay-ermitanyo ang isang barista (taguri sa kukuha ng pagsusulit) upang paghandaan ang apat na linggong pagbuno sa pagsagot ng pagsusulit.

Hindi tulad ng tradisyunal na board exams, hindi ito simpleng pagpili ng tamang titik, na pagkatapos lamang ng isang linggo ay hayag na ang resulta. Anim o pitong buwang pagkatakot at pagkainip ang mararanasan ng isang barista.

Noong 2003, mahigit isang libo lamang ang pinalusot ng Korte Suprema at ginawaran ng titulo sa pagiging abogado kontra sa limang libong naghangad. At sa taong ito, muli’t muli na naman akong tinatakot ng mga datos ng kukuha ulit ng pagsusulit. Hindi lang makaisa subalit may pagkakataong taglay na yata ng aking katinuan—ang bar phobia.

Malalim ang pinag-uugatan ng pagkakaramdam ko ng bar phobia. Lumuwas mula sa liblib na pook, binaybay ko ang mga lumang pader ng Unibersidad upang makapag-aral ng batas. Tangan ang simula sa pagkabatang pangarap na maging ganap na abogado, tinitiis ko ang mga pagsubok na kaakibat nito. Sapagkat hindi ako nabibilang sa mayamang pamilyang nasa dugo ang pagiging abogado, kinakaya kong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Habang ninanamnam ng mga kaklase ko ang sarap ng pagtulog, bumabangon ako pagsapit ng alas sais ng umaga upang bagtasin ang kalsada patungong Makati. Hapo man sa mga tinatapos sa trabaho, muli kong babagtasin ang daan patungo naman sa Unibersidad.

Sa pag-aaral ko ng batas, hindi ko namalayang may mga bagay na hindi sinadyang nabitiwan. May mga personal na interes akong nakaligtaan, marahil sanhi ng kapaguran at kakapusan sa oras. Pansamantalang nabura ang pagkahumaling ko sa pagsasatitik ng mga saloobin at pakikipagniig sa mga musa ng panitik. Sapagkat nahuhumaling (nga ba?) o nabubuyo sa mga aklat ng batas, nakaligtaan kong may pangangailangan din akong ilayo ang sarili sa mahigpit na istraktura at prinsipyo ng batas. Nakaligtaan kong suyuin ang aking musa, upang paliparin ang haraya at buhayin nang buong kalayaan ang kapalaran ng buhay o kamatayan ng aking mga tau-tauhan—taliwas sa mga taong kasangkot sa mga kasong aralin sa batas. Hindi ko sinasadyang iwan ang pansariling hilig upang bigyang daan ang batas.

READ
Gamilla still USTFU chief

Mahabang panahon pa ang bubunuin ng mga mag-aaral na kagaya ko. Ilang probisyon pa ng Kodigo Sibil o Penal ang kailangan pang unawain. Ito lamang ang magsisilbing antidote upang labanan ang pangambang ito—ang bar phobia.

Sakit man ito o hindi, hindi ko na maibabalik ang mga nasayang na araw. Tangan ang mga positibong pananaw sa hinaharap, pag-aaral nang taimtim at pananalig nang tapat sa Maykapal, umaasa pa rin akong malulunasan nang bahagya ang pag-aalalang ito.

Noong buwan ng Setyembre at habang himbing pa rin sa pagtulog ang mga kaibigang barista, tila pinagkaitan ako ng pagkaantok sa mga nakaraang gabi. Tinatanong ko ang sarili kung nakakaramdam kaya sila ng pangamba tulad ko, lalo’t sasabak na sila sa pinakamahirap at pinakamailap na pagsusulit.

Inaliw ko na lang ang sarili sa masayang paligid ng Taft Avenue bilang pampaalis ng kaba. Bagaman hindi ko pa rin makalimutan ang takot na dala nito, may panahon pa namang nalalabi para sa akin. Pitong buwan pa bago ako magawaran ng titulong Bachelor of Laws at maluklok sa pedestal ng pagiging isang barista. Umaaasa pa rin akong pagdating ng araw na iyon, ganap nang tumakas sa katauhan ko ang sakit na nararamdaman ko sa napakaagang panahon—ang bar phobia.

Nasa huling taon sa Faculty of Civil Law at kasalukuyang full-time researcher sa isang Makati-based firm si Cesar A. Agor. Naging manunulat siya ng Varsitarian noong 1998.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.